IPINA-deport na ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Biyernes, Marso 17 ang isang Japanese national na wanted dahil sa panloloko sa Japan.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang suspek na si Risa Yamada.
Naaresto si Yamada sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Tokyo Summary Court noong Enero 19 sa Pasay City.
Ayon sa Immigration, nagnanakaw ng data mula sa ATM cards ng mga biktima si Yamada at iba pang kasabwat nito habang ipinakikilala ang kanilang mga sarili bilang empleyado ng bangko o ng mga pulis.
Sa ngayon, hindi na makapapasok pa ng Pilipinas si Yamada dahil isinama na ito sa blacklist ng BI.