Sunod-sunod na panalo sa lotto, ipinagtataka ni Sen. Pimentel

Sunod-sunod na panalo sa lotto, ipinagtataka ni Sen. Pimentel

IPINAGTATAKA ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III ang sunod-sunod na panalo sa mga nakalipas na lotto draws ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Ayon kay Pimentel, ang larong ito ay dinisenyo ng mga mathematicians upang mahirapan ang mga taong mapanalunan ito at kung lagi ito napapanalunan kada linggo ay dapat na itong kuwestyunin.

Ani Pimentel, dapat itong imbestigahan at para na rin mas maging transparent ang PCSO at kung mas makumbinse ang publiko na walang nangyayaring anomalya ay mas lalo itong tatangkilikin.

Matatandaan na nauna na ring nagpatawag ng imbestigasyon ang senador sa lotto na pinapatakbo ng pamahalaan matapos na manalo ang nasa 433 na manlalaro sa P236-M jackpot sa 6/55 grand lotto draw noong Oktubre 2022.

Ang bawat nanalo ay nag-uwi ng P545,245.24 matapos na mahulaan ang winning six-number combination.

Dagdag pa ni Pimentel, dapat na imbestigahan ng Commission on Audit (COA) ang listahan ng mga nanalo ng PCSO dahil sa ilang lotto player din ang nanalo ng jackpot sa mga nagdaang lotto draws.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter