PINAGHAHANDAAN ng Quezon City government ang nakaambang El Niño mula noong 2019.
Ipinag-utos ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng local government units (LGUs) na paghandaan ang posibleng epekto ng El Niño sa kanilang lugar.
Batay sa inilabas na kautusan ng DILG, pinakokonsidera sa mga lokal na pamahalaan ang iba’t ibang mitigation efforts laban sa epekto ng El Niño.
Aabot sa 80% ang probability ng El Niño sa Pilipinas na tinatayang magsisimula sa susunod na 3 buwan at posibleng tumagal sa unang quarter ng susunod na taon.
Batay ito sa inilabas na El Niño alert ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Martes, May 2.
Naglabas ang DILG na ng isang Memorandum Circular na nag-uutos sa mga lokal na pamahalaan na paghandaan ang posibleng epekto ng El Niño.
Sa Quezon City, 2019 pa lang ay pinaghahandaan na nila ang posibleng epekto ng El Niño sa ilalim ng kanilang Enhanced Local Climate Change Action Plan.
“Nagsabi na nga national government agencies na maghanda sa pinakaworst case scenario. Pero sa atin naman po dahil engage tayo sa ating mga communities, alam natin yung sitwasyon. So as early as 2019 napaghandaan na natin na mayroon silang sistema, mayroon silang pamamaraan para makapag-conserve ng water,” saad ni Andrea Villaroman, Head Climate Change and Environment Sustainability Department.
Rain harvesting system ng Quezon City, sagot sa posibleng kakulangan ng tubig dulot ng nakaambang El Niño
Ayon kay Andrea Villaroman ng Climate Change and Environment Sustainability Department ng lungsod, isa sa mga hakbang na ginagawa nila ay ang pag-iimbak ng tubig-ulan gamit ang kanilang rainwater harvesting system upang may magamit kung magkakaroon man ng kakulangan ng tubig dulot ng El Niño.
“Even ngayon po as we speak no, minsan bigla na lang uulan. That’s also an opportunity even during the summer season. Pag biglang ulan, may rainwater catchment system ka, hinaharness namin iyan. Tuloy tuloy yung aming kampanya para masigurong ready tayo sa El Niño,” dagdag ni Andrea Villaroman.
Mula sa mga pampublikong paaralan, barangay halls, multipurpose building sports facilities hanggang sa mga government building at housing program ng lungsod, gumagamit ang mga ito ng rainwater harvesting system.
Pero bukod sa nasabing sistema, maglalagay rin ang Quezon City ng mga retention pond sa ilalim ng kanilang drainage master plan upang mapag-ipunan ng tubig-ulan.
“Para po imbes na ang tubig-ulan ay napupunta sa roads at nagco-cause ng flooding, ito po ay iipunin at ito naman po ay pwedeng gamitin sa pagdilig, paglilinis,” ani Villaroman.
Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office, tiniyak ang kahandaan ng QC vs El Niño
Patuloy namang nakamonitor ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) sa heat index ng lungsod at nagbibigay ng warning sa publiko.
Pinaghahanda na rin ng ahensiya ang mga barangay sa Quezon City para sa posibleng epekto ng El Niño.
“Mayroon kaming localized na campaign together with the member council ng DRRM plus the Barangay Disaster Risk Reduction Management Council para madisseminate sa 142 barangays ang awareness for the upcoming na El Niño.”
“We have asked them to submit their preparedness measures. We’re still waiting on May 9, 2023. There will be parang meeting para madiscuss kung ano yung mga measures per barangay,” saad ni Peachy de Leon, Spokesperson QCDRRMO.
Dagdag pa ni De Leon patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensiya ng gobyerno at water concessionaires.
Patuloy rin nilang minomonitor ang lebel ng tubig sa La Mesa Dam ng lungsod.
Nakahanda naman ang QCDRRMO na magsuplay ng tubig
“For example there is one barangay na kulang na, may shortage na ng water, the barangay captain will call the action officer. Then the action officer will relay it to the Quezon City Disaster Risk Management Office tapos magpapadala kami ng fire truck para in the meantime magpro-provide ng water para doon sa mga walang water supply,” ani De Leon.
Mga LGU, pinaghahanda ng DILG vs sa posibleng epekto ng El Niño
Batay sa inilabas na kautusan ng DILG, pinakokonsidera sa mga lokal na pamahalaan ang iba pang mitigation efforts gaya ng pag-apruba ng mga ordinansang pumipigil sa mga ilegal na koneksiyon at paghikayat sa maingat na paggamit ng tubig at pagpapahintulot sa mga water concessionaires at water utilities na magsagawa ng emergency leak repairs.
Pinakokonsidera din ng DILG sa mga LGU ang pag-alis ng number coding scheme para sa mga water tanker na ginagamit ng mga concessionaires, pagpatutupad at pag-update ng mga kasalukuyang contingency plan laban sa epekto ng El Niño at pag-iimbak ng mga relief goods.