KINUMPIRMA ng pamunuan ng 501st Infantry Brigade na 2 miyembro ng teroristang grupo ang nasawi sa sagupaan sa pagitan ng militar at humigit kumulang 20 miyembro ng Komiteng Probinsiya (KOMPROB) Cagayan at Isabela at Komiteng Rehiyon Cagayan Valley sa Sitio Bigoc, Brgy. Alucao, Sta. Teresita, Cagayan nitong Mayo 3 ng hapon.
Kasabay nito, narekober din ng militar ang matataas na kalibre ng baril matapos ang naturang engkuwentro.
Sa panayam kay Col. Ferdinand Melchor dela Cruz, Commander ng 501st Infantry Brigade, sinabi nito na ang nangyaring engkuwentro ay resulta sa patuloy na focus military operation laban sa makakaliwang grupo.
Aniya ito na ang pangwalong engkuwentro sa ilalim ng kaniyang unit nang nagsimula ang intensified security operation sa probinsiya ng Cagayan upang tapusin na ang suliranin sa insurhensiya sa lugar at matugis ang mga natitirang miyembro ng (KOMPROB) Cagayan at Isabela.
“Nag-umpisa kasi itong focus military operation natin nag-launch tayo starting noong January pa, kasi napag-alaman naman natin na nandito yung grupo, actually nag combine yung Isabela at yung Cagayan nga dahil dina-drive out na actually sila nung mga tao, infact yung mga karamihan ng naging casualty sa labanang ito, karamihan ay galing Isabela. They were being given out to supposedly, magpapalakas sana sila, magre-recover at dito sa Cagayan magre-recruit, mag-training, unfortunately for them, nasasagupa sila ng ating tropa,” pahayag ni Col. Ferdinand Melchor dela Cruz, Commander-501st Infantry Brigade.
Base sa berepikasyon ng militar kabilang sa nasawing New People Army (NPA) ang isang babae at napag-alamang nag-aaral sa University of the Phlippines (UP) at nabatid na nais nitong tumiwalag sa grupo subalit pinigilan ito ng kaniyang mga kasamahan.
“Ang masaklap nito, we are verifying report that a confirmation, isa doon ay female combatant na kinikilala naming, actually na-identify namin na UP student ulit, nakakapanghinayang kasi. We learned na itong tawagin na lang nating ka-Morga ay she wanted na may fillers na, since last year na gusto nang lumabas,” dagdag ni Col. Ferdinand Melchor dela Cruz.
Makikipag-ugnayan agad ang militar sa mga magulang ng dalawang nasawing NPA kung makilala na ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Siniguro din ng militar na bibigyan nila ng maayos na burol ang mga nasawi hanggang sa makuha sila ng kanilang mga pamilya.
“Medyo nasa looban kasi talaga yung pinangyarihan nung encounter, we expect na mailalabas natin sila ngayong umaga, inaabangan namin at para mabigyan ng kung saka-sakali identification and we will be informing the families nila, and then kung saka-sakali man na, katulad ng ginawa natin dati, we will give them decent burial kahit na temporary until such time na ma-claim sila ng kanilang mga families,” ani Dela Cruz.
Samantala, sa parehong araw ay patay rin sa engkuwentro sa pagitan ng militar ang isang komunistang teroristang NPA na miyembro ng Komiteng Larangang Gerilya Baggas, Ilocos Cordillera Regional Committee sa Sitio Angod, Brgy. Poswoy, Balbalan, Kalinga na sa ngayon ay wala rin iba pang impormasyon o pagkakakilanlan.
Kaugnay rito, patuloy na panawagan ni Col. Dela Cruz sa mga natitira pang miyembro ng makakaliwang grupo na magbalik-loob na sa pamahalaan.