DBM sa mga ahensiya ng gobyerno: Pataasin ang budget disbursement at spending

DBM sa mga ahensiya ng gobyerno: Pataasin ang budget disbursement at spending

HINIMOK ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga ahensiya ng gobyerno na pataasin pa ang kanilang budget disbursement at spending.

Ito ang paalala ni DBM Secretary Amenah Pangandaman matapos maitala ang utilization rate ng mga ahensiya ng gobyerno sa 90 porsiyento, mula Enero hanggang Abril 2023.

Ang pinakahuling datos ay makikita sa utilization report ng Notice of Cash Allocations (NCAs) para sa mga ahensiya ng national government at budgetary support sa Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) at local government units (LGUs) sa tala nitong katapusan ng Abril 2023, na inilathala sa website ng DBM.

Ang 90-percent utilization rate ay katumbas ng P1.175-T ng NCAs na nagamit para sa nasabing panahon.

Ang NCAs ay mga dokumento ng cash authority na inisyu ng DBM sa account ng mga ahensiya/operating units.

Ito’y sa pamamagitan ng mga awtorisadong government servicing banks upang masakop ang cash requirements ng mga ahensiya para sa kanilang mga programa at proyekto.

Pahayag pa ni Pangandaman, kung mas mabilis na mai-disburse at magamit ang mga pondo, mas mabilis ding makukuha at maipatutupad ang mga proyekto.

“We all know that our national budget is the lifeblood of all government programs and projects. The faster we disburse and utilize our funds, the faster we can procure and implement our projects,” saad ni Secretary Amenah Pangandaman, DBM.

Kaya, pinaalalahanan ng DBM chief ang mga ahensiya na iwasan ang underspending at iginiit ang pangangailangang magtanim ng disiplina sa national government agencies o ilalagay na lang ang pera sa mga ahensiya na talagang makapagpatutupad ng mga ito.

“That’s why we want to remind our agencies to avoid underspending, given our very limited fiscal space. Again, we need to instill discipline in our national government agencies or we shall put the money to agencies which can really implement them,” ani Pangandaman.

Noong Abril 30, 2023, naglabas ang DBM ng P2.982-T o 94.8 porsiyento ng total agency specific budget sa iba’t ibang national government agencies.

Sa kabuuan, ang DBM ay nakapaglabas ng P4.518-T o 85.8 porsyento ng P5.268-T national budget noong Abril 30, 2023.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter