NAGLUNSAD ng modernong mobile library ang Makati City government para mas ilapit pa ang kalinangan sa Makatizens.
Ang mga batang ito, excited matuto araw-araw sa Makati Elementary School.
At pa-weekend na, bakas ang sigla sa kanila na matuto.
Kaya para sa ikabubuti ng kanilang kalinangan ay naglunsad ang Makati City government ng dalawang units ng modernong mobile learning resource hub o mobile library.
Ayon kay City Mayor Abby Binay, nais ng proyekto na ipalapit pang lalo sa Makatizens ang education programs ng siyudad.
“Hi-tech ang aming mobile library kasi hindi lang naman siya puro libro lang so nakita niyo merong tv, meron ding tablet yan,” pahayag ni Mayor Abigail Binay, Makati City.
Iikot sa mga eskuwelahan sa Makati ang mobile libraries.
At ang DepEd Makati ang gagawa ng schedule kung anu-anong mga eskwelahan ang pupuntahan.
Saad ni Mayor Binay, minabuti nilang gawin ang programa para matiyak ang learning comprehension ng mga estudyante.
“Kami sa Makati talagang sinisiguro namin na ang mga umaakyat ng baitang ay talagang pasado naman talaga di ba? Kasi lagi kaming may assessment. We make sure that our students are readers,” dagdag ni Binay.
Ngayong taon, naglaan ang city government ng higit sa P1 bilyon para sa Project FREE (Free Relevant and Excellent Education) at Students’ Competency Enrichment Program.
Naglaan din ang lungsod ng higit sa P140.7-M mula sa General Fund para sa college at high school scholarships.
Pati na ang incentives sa mga mag-aaral na may natatanging achievement, school completers maging para sa kanilang Special Education Program.
Layon naman ng City Government na ituon ang atensiyon ng mga estudyante sa pagbabasa sa halip na gumamit ng gadgets.
“Kailangan nating ibalik yung appreciation sa hard copy na libro kasi di ba yung iba mas gusto nila yung binabasa nalang sa tablet or sa computer di ba. Pero dapat basic muna. Alam mo yung naaamoy mo yung libro, nahahawakan, nasusulatan di ba?” ayon pa kay Binay.
“With the use of the book, this is the basic step in reading… This mobile library is very helpful to them. They can read books anywhere, they can access the book anywhere,” saad ni Catalina Petrasanta, Acting Principal, Makati Elementary School.
Asahan naman na mas madaragdagan ang mobile libraries sa Makati sa mga susunod na taon.
Kumporme sa kalalabasan ng kanilang pilot program.
“‘Yung basic reading and writing should be addressed from Kinder until Grade 3. So itong mobile library rin ang magiging tugon doon sa problema ng mga bata na masyadong nalululong sa tablet o nalululong sa games,” ani Binay.