NAGING matagumpay ang Regional Youth Congress (RYC) 2023 na dinaluhan ng higit 200 na kabataan mula sa probinsiya ng Pangasinan, La Union, Mt. Province, at Benguet na inorganisa ng Keepers Club Int’l (KCI).
Bahagi ng adbokasiya ng KCI na ilayo sa masasamang bisyo gaya ng ilegal na droga ang mga kabataan sa pamamagitan ng paglahok sa mga aktibidad gaya ng sports, musika, pagsasayaw, at marami pang iba na makapupukaw sa kanilang atensiyon.
Kada taon ginaganap ang RYC sa iba’t ibang bahagi ng bansa subalit ng dahil sa pandemya ay natigil ito pansamantala.
Pero hindi ito naging hadlang dahil patuloy ang KCI sa mga aktibidad nito sa pamamagitan ng teknolohiya at ngayong malaya na muling makapagtipon ay lubos na ikinatuwa ng mga kabataan.
Ginanap ang RYC 2023 sa lugar ng Camp Lt. Tito Abat, Manaoag, Pangasinan – military base sa loob ng tatlong araw.
Ang mga delegado ay nahati sa anim na team; ang Team Warrior mula sa Dagupan, Team Defender mula sa Urdaneta, Team Faithful mula sa Mangaldan, Team Conqueror mula sa La Union, Team Overcomer mula sa Benguet, at Team Gideon Knights mula sa Mt. Province.
Nagpatagisan ng husay at talento ang mga delegado pagdating sa basketball, volleyball male and female category, indoor games, music competition, at power dance.
Pero ang higit na mahalaga sa lahat, sila ay napuno sa espirituwal na pagpapala sa pamamagitan ng mga salita ng ating Dakilang Ama.
Nagtapos ang RYC 2023 Pa-Car-Lu Chapter na punong-puno ng kagalakan at tuwa ang mga kabataan lalo na nang ganapin ang awarding ceremony, kung saan waging naiuwi ng Team Faithful mula sa Mangaldan, Pangasinan Chapter ang tropeo bilang Overall Grand Champion.
Ilan lamang sila sa libu-libong kabataan na binago ang buhay dahil sa KCI at mas marami pang mababago dahil na rin sa dedikasyon at sinseridad ng founding president na si Pastor Apollo C. Quiboloy na protektahan ang mga kabataan mula sa masamang bisyo lalo na sa panlilinlang ng mga makakaliwang grupo.
Sa ngayon ay naghahanda na ang iba pang rehiyon mula sa Hilaga at Gitnang Luzon para sa inaabangang Keeper’s Olympics kung saan magpapatagisan ng talento ang lahat ng mga kabataan mula sa iba’t ibang rehiyon.