HANDANG isulong ni Senator Robinhood “Robin” C. Padilla ang Freedom of Information (FOI) bill sa Senado para labanan ang fake news at maling impormasyon.
Iginiit ni Padilla na nakagawa na ng pagdinig ukol sa fake news ang Senate Committee on Public Information and Mass Media na kaniyang pinamumunuan, bagama’t mas mainam kung i-certify itong priority bill ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., para tiyak na makausad.
Matatandaan, hindi bababa sa apat na panukalang batas ang ihinain sa Senado na may kinalaman sa FOI.
Ayon kay Padilla, mas maganda ang magiging tsansa ng FOI bill na maipasa kung i-certify ito ng Pangulo bilang priority bill sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Sa oras na maging batas ang FOI bill, umaasa si Padilla na susundan na ito ng lahat na ahensiya ng pamahalaan at magiging malaking tulong ito na labanan ang fake news.