MAY panawagan si Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ sa lahat ng mambabatas kaugnay ito sa isasagawang imbestigasyon ng Kamara sa Manila Bay reclamation project.
“Halimbawa senador ka o isa kang mambabatas, pag magdecide ka sa isang issue, sariling utak. Hindi ‘yung ikaw ay inuudyukan ng iba tapos magde-decide ka kung ano ang udyok nila sa iyo lalo na ng ibang bansa,” pahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ito ang panawagan ni Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ sa lahat ng mambabatas.
Kaugnay ito sa inihaing resolusyon ng Kamara para imbestigahan ang Manila Bay reclamation project.
Sa House Resolution No. 1171 na inihain ng ACT-CIS Party-list sa pangunguna ni Cong. Erwin Tulfo, hinihimok nito ang Committee on National Defense and Security, Committee on Ecology at iba pang mga kaugnay na komite na agad na magsagawa ng isang imbestigasyon in aid of legislation ukol sa kalagayan ng Manila Bay reclamation project at ang epekto nito sa pambansang seguridad at sa kapaligiran.
Ito’y kaugnay sa ulat ng US Embassy na nasa blacklist ng America ang China Communications Construction Co., ang kompanyang nagsasagawa ng reclamation operation sa Manila Bay dahil umano sa pandaraya.
Ang nasabing kompanya ay pagmamay-ari ng Beijing at pinaniniwalaang responsable sa pagtatayo ng Air Base at Naval Base ng China sa West Philippine Sea.
“Halimbawa may nag-uudyok sayo, tapos ganun ang sinasabi tulad nitong sinabi dito, at nakakabuti sa ating interes na Pilipino, okay ‘yun. Pero nag-uudyok pagkatapos doon ka lang, gagawa ng isang resolusyon kasi may nag-udyok sayo na isang mas malakas na bansa at doon ka kumakampi, bias ‘yun. Hindi ka tunay na Pilipino, hindi ka tumatayo sa sarili mo at hindi ka naggagamit ng sarili mong utak,” dagdag ni Pastor Apollo.
Dagdag pa ng butihing Pastor na kung anumang isyung pinag-uusapan ng mga mambabatas ay laging para sa interes ng Pilipino.
“Bansa natin ang pinag-uusapan natin dito. Kaya tayo ay bumoto ng mga mambabatas para sila ay tumayo sa sarili nilang paa at mag-isip sa sarili nilang pag-iisip patungkol sa issue na ito kung anumang isyung pinag-uusapan para sa interes ng Pilipino, hindi para sa pag-uudyok ng ibang bansa. Pagka-ikaw ay sumunod sa udyok ng ibang bansa, tao ka nila. Ang interes nila ang iyong binabantayan hindi ang sa atin. Eh binoto ka namin para diyan? Hindi. Walang interes ang pinag-uusapan dito kundi atin,” saad pa ni Pastor Apollo.
Samantala, may payo rin ang butihing Pastor sa mga mambabatas.
“Pag-aralan mo ‘yung issue, halimbawa reclamation, eh mag-aral tayo ng sarili natin. Walang interference sa iba. Pag-aralan natin kung ano ‘yung issue, nakakabuti ba ito sa ating bansa o hindi. Bansang Pilipinas ang pinag-uusapan dito hindi ang ibang bansa na naririto kundi interes nating Pilipino. ‘Yan ang dapat na palaging nasa ating pag-iisip. Opinyon ko ‘yun,” ayon pa kay Pastor Apollo.