PBBM, inaasahang tatatag ang presyo ng bigas sa pagsisimula ng ani sa major palay-producing regions

PBBM, inaasahang tatatag ang presyo ng bigas sa pagsisimula ng ani sa major palay-producing regions

MAHIGPIT na binabantayan ng gobyerno ang suplay at presyo ng bigas sa bansa.

Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sabay tiniyak sa publiko ang matatag na suplay ng mga pangunahing bilihin habang nagsisimula ang ani sa mga pangunahing rehiyong nagpo-prodyus ng palay.

Positibo ang Pangulo na magiging matatag ang presyo ng bigas kapag may masaganang suplay nito at sapat na reserba.

“Binabantayan namin nang mabuti ang pag supply ng ating bigas at pagbantay sa tumataas na presyo ng bigas at mayroon naman tayong balita na nagsimula na ang pag-aani sa Nueva Ecija, sa Isabela, at saka sa North Cotabato. Kaya ito’y makakadagdag sa suplay natin,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Idinagdag pa ng Pangulo na partikular sa mino-monitor ng pamahalaan ngayon ang farm gate price.

Una nang inilahad ni Dr. Leo Sebastian, Undersecretary for Rice Industry Development ng Department of Agriculture (DA), na ang paunang ani ng palay mula sa tatlong probinsiya ay magpapalaki sa suplay ng bigas at magpapatatag sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

Aniya, nagsimula na ang ani sa mga lalawigan ng Isabela, Nueva Ecija at North Cotabato, na tinatayang nasa 900,000 metric tons (MT).

Sinabi ni Sebastian na ang mga magsasaka sa mga lalawigang ito ay nakapagtanim nang maaga noong Mayo, o mas maaga kaysa sa iba pang rice-producing areas.

Saad pa ng DA official, tataas ang pag-aani ng palay sa huling bahagi ng Setyembre hanggang Oktubre, na malaking kontribusyon sa ikalawang semestre (Hulyo hanggang Disyembre) na produksiyon ng bansa, na tinatayang nasa mahigit 11 milyong metriko tonelada (MMT).

Malalampasan nito ang 20 MMT total national palay production kung saan gagawa ito ng record bilang pinakamataas sa kasaysayan ng bansa.

Matatandaang nagbigay na rin ng katiyakan si Pangulong Marcos noong nakaraang linggo, na may sapat na stock ng bigas ang bansa na magtatagal kahit na matapos ang El Niño phenomenon sa susunod na taon.

Ang garantiyang ito ng Punong Ehekutibo ay kasunod ng pulong nito sa industry players na pinangunahan ng Private Sector Advisory Council at ng Philippine Rice Stakeholders Movement (PRISM) sa Malacañang.

Sa naturang meeting, iprinesenta sa ng DA at PRISM kay Pangulong Marcos ang rice supply outlook para sa bansa hanggang sa katapusan ng 2023.

Kung maalala, tinawag ng Pangulo na “excellent news” ang 3% na paglago sa produksiyon ng bigas nitong first half ng 2023 kumpara sa parehong panahon noong 2022.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble