HINDI maaaring tanggihan ng isang pangulo ang imbitasyon ng ibang mga bansa sa kaniya.
Ito ang inihayag ni Chief Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile sa kaniyang programa sa SMNI News.
Kasunod ito ng pagkuwestiyon ng ilang indibidwal at grupo sa pagtaas ng travel expenses ng Office of the President.
Paliwanag ni Enrile, hindi hawak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. o ng kahit sinong presidente ang kanilang schedule para magsagawa ng state visit kundi ng mismong bansang nag-imbita sa kanila.
Giit ni Enrile, kailangan ng presidente na magtungo sa ibang mga bansa dahil magiging katuwang sa pagtataguyod ng interes ng Pilipinas.
Bukod pa rito, ipinunto ni Enrile na hindi masarap ang buhay ng isang presidente lalo na kung magbibiyahe pero kailangan itong gawin ng Pangulo para itaguyod ang interes ng Pilipinas sa buong mundo.