Tantiya ng USDA na magiging number 1 rice importer ang Pilipinas sa mundo, hindi totoo—SINAG

Tantiya ng USDA na magiging number 1 rice importer ang Pilipinas sa mundo, hindi totoo—SINAG

NILINAW ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hindi totoo ang projection ng United States Department of Agriculture (USDA) na magiging Number 1 rice importer na ang Pilipinas sa buong mundo.

Sa panayam ng SMNI News, sinabi ni SINAG President Rosendo So na hindi aabot sa 3.9 million metric tons ang aangkatin ng Pilipinas ngayong taon.

Sa katunayan, sa tantiya nila, nasa 3 million metric tons lang ang aangkatin ng bansa.

Isa aniya sa itinuturing na dahilan nito ay ang kagustuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na mapalakas ang sektor ng agrikultura kung ikukumpara sa nakaraang administrasyon.

Matatandaan na noong nakaraang administrasyon ay mas ginusto ng economic managers na mag-import ng bigas para tugunan ang kakulangan ng bigas sa gitna ng pandemya.

Pero batay sa “Grain: World Markets and Trade” report ng USDA, nakikita nila na aabot sa 3.8 million metric tons ang aangkatin ng bansa para sa 2023-2024.

Mauungusan na umano ng Pilipinas ang China na aangkat lang ng 3.5 million metric tons ng bigas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble