TAPOS na ng Commission on Elections (COMELEC) kasama ang National Printing Office (NPO) ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay COMELEC spokesperson Atty. Rex Laudiangco, ang kabuuang bilang ng balota ay nasa P92-M.
‘‘Kanina po ay pormal nang tinapos ng COMELEC at ng National Printing Office ang aming pagpriprint ng aming manual ballot, manual election returns, certificate of canvass statement of votes, summary statement of votes. Lahat po ito ay P92-M ballot po. Lahat po ito ay inieempake na at ipapadala simula Oktubre. Mauuna ang mga malalayong lugar sa padadalhan ng COMELEC ng mga balota habang panghuli naman ang mga malalapit na lugar gaya ng National Capital Region,’’ saad ni COMELEC spokesperson Atty. Rex Laudiangco.
‘‘Ang lagi po nating inuuna ay lahat ng lalawigan sa BARMM, Lanao del Sur, Maguindanao, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi. Kasama po ang lalawigan ng Batanes. Sila po ang pinakauna dahil sila ang pinakamalalayong lugar,’’ dagdag ni Atty. Laudiangco.
Sinabi rin ng COMELEC na 99 porsiyento na silang handa sa eleksiyon.
Mahigpit naman ang instruction ni COMELEC chair George Garcia na hindi dapat magkaroon ng failure of election ngayon sa darating na halalan.
Sa ngayon, sinimulan na ng komisyon ang training sa mga guro na magsisilbi sa darating na BSKE.
Inihahanda na rin aniya nila ang para sa magiging training ng mga pulis na magsisilbi sa eleksiyon sakaling walang dumating na guro sa mismong araw ng eleksiyon.