Oil industry player, nagmungkahi ng mga solusyon vs mataas na presyo ng langis

Oil industry player, nagmungkahi ng mga solusyon vs mataas na presyo ng langis

MAY nagmungkahi ng mga solusyon laban sa patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.

At ang mungkahi, mula mismo sa isang oil industry player.

Nitong Martes ay muling nagpulong ang Kamara at oil industry players sa isyu ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis.

Hangad ng pulong na matukoy ang mga adjustment na puwedeng gawin ng industry players para mapababa ang presyo ng oil products.

‘‘Well, ito po ‘yung second round ng meeting ng Congress kasi ‘yung first meeting parang wala pong nangyari. What we are asking now, dagdagan nila ‘yung kanilang discount na another 2-peso siguro another piso na naman and then isama po nila yung riding public,’’ ayon kay ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo.

Para naman kay Cleanfuel President Bong Suntay, may mga diskarte na puwedeng gawin ang pamahalaan.

Sa panayam ng SMNI News, sinabi ni Suntay na kung hindi kaya ng gobyerno na suspendihin nang buo ang oil excise tax, ay makatutulong kung babawasan aniya ang singil nito kahit kalahati.

‘‘Pagka-kinalahati mo ‘yung excise tax instead of P10 per liter sa gawin mong P5, napababa mo yung presyo ng gasolina by P5,’’ saad pa ni Atty. Bong Suntay, President, Cleanfuel.

Tatlong taxation aniya ang pinapasan ng mga kompanya ng langis. Nariyan ang oil excise tax, value added tax at income tax.

Sa krudo, P6 per liter ang excise tax, P5 per liter sa kerosene at P3 per liter sa LPG.

Ginagamit sa mga programa ng gobyerno mula sa oil excise tax.

‘‘Pag-kinalahati mo ‘yung excise tax ng diesel, from P6 gawin mong tatlong piso nalang muna so may pumapasok pa rin sa gobyerno di ba? Pero naibaba mo kaagad by P3 ang presyo ng diesel,’’ dagdag ni Atty. Suntay.

Tutol ang economic managers sa mungkahi na suspendihin ang oil excise tax.

Sa pagtaya, P73-B aniya ang mawawala sa kaban ng bayan sa 4th quarter lamang ng 2023 kapag gagawin ito.

Bukod sa oil excise tax, may isa pang mungkahi si Suntay sa pamahalaan.

Ito ay ang pagpayag sa full importation ng ethanol na component sa gasolina.

Para makabawas sa air pollution, nilalagyan ng 10% na ethanol ang gasolina.

‘‘Ang ethanol, ang mandato sa industry players o kalahati niyan kailangan bilhin niyo local, kalahati pwede ‘yung imported,’’ tugon pa ni Suntay.

‘‘Ang imported P52, ang local P84 per liter. So, there’s a P32 difference. Pero, kahit mas mahal ‘yung local, hindi mo pwedeng import lahat kasi sinabi ng regulasyon, hindi… kalahati kailangan bilhin mo local eh. Eh di ang epekto noon pataas din ‘yung presyo di ba? Eh di i-relax muna natin ‘yung requirement. Sabihin natin habang mataas ‘yung presyo, sige kung mas mura ‘yung imported, puro imported muna ang bilhin niyo’’ dagdag nito.

Bukod dito, may mga mungkahi na mag-angkat sa ibang mga bansa ng langis. Lalo na’t nag-aalok ang Russia ng mas murang oil supply.

Pero dahil sa Russia-Ukraine War, pahirapan sa oil industry players na bumili ng langis sa Russia.

Pag-angkat ng langis sa Russia, pahirapan dahil sa giyera—Cleanfuel President

‘‘Kami kapag nagbukas ka ng letter of credit sa bangko, among all the restrictions is you cannot buy purchased oil coming from Russia. So, ibig sabihin hindi ka makaka-utang sa bangko kaagad. Pagdating sa depot, nakalagay sa kontrata naming sa depot, no oil coming from Russia can be stored,” ani Suntay.

Mas nakapagdidikta ng murang presyo ang Cleanfuel dahil walang franchisee. Pangako naman ng kompanya na magpapatuloy ang mas mababa nilang presyuhan para sa mga motorista.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter