Halos P500K ng smuggled Indian buffalo meat, nasabat ng DA sa Dasmariñas, Cavite

Halos P500K ng smuggled Indian buffalo meat, nasabat ng DA sa Dasmariñas, Cavite

KINUMPISKA ng Department of Agriculture Inspectorate and Enforcement (DAIE) team ang kahon-kahong smuggled meat sa isang palengke sa Dasmariñas, Cavite.

Sa pinagsanib na operasyon ng DAIE, National Meat Inspection Services (NMIS) at Philippine Coast Guard, nabuksan ang dalawang unregistered cold storage at refrigerated vans.

Ayon kay Dennis Solomon, head ng enforcement team, mga smuggled Indian buffalo meat ang mga ito na ibinebenta sa Kadiwa Wet Market at SM Marketmall ng lungsod.

Bukod dito, ibinebenta rin ang mga karne sa mga restaurant at paresan.

Aabot sa higit 1,700 kilo ang nasabat ng mga awtoridad na katumbas ng halos kalahating milyong pisong halaga ng smuggled Indian meat buffalo.

Aniya, hindi na maganda ang kondisyon ng karne dahil sa masangsang na amoy at mishandled din na mapanganib sa kalusugan ng tao.

Ang mga nasabing karne ay dadalhin sa NMIS Region IV-A facility upang ibaon sa lupa para hindi na mapakinabangan.

Dahil walang permit ang mga karne, kakasuhan sa paglabag sa Food Safety Act ang may-ari ng smuggled meat.

Pinapayuhan naman ng DAIE ang publiko na bumili ng karne sa mga lehitimong meat shop upang maiwasan na makakain ng mga smuggled at mishandled meat.

Ang hakbang na ito ng DAIE ay alinsunod na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr na palakasin ang kampanya kontra agricultural smuggling.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter