PBBM at French Pres. Macron, nagkausap sa telepono; French ministers, nakatakdang bumisita sa Pilipinas

PBBM at French Pres. Macron, nagkausap sa telepono; French ministers, nakatakdang bumisita sa Pilipinas

NAKATAKDANG bumisita sa Pilipinas ang isang grupo ng French ministers bago matapos ang taon.

Sa isang telephone call nitong Miyerkules, sinabi ni French President Emmanuel Macron kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ang patungkol sa nalalapit na pagbisita ng French ministers sa Maynila.

Sumagot si Pangulong Marcos kay Macron at sinabing maaari na silang magsimulang magtrabaho sa pagbisita ng French ministers kaugnay ng napag-usapan sa ika-10 Philippine-France Joint Economic Meeting noong Hunyo.

“We can work on what was just held last June, the 10th Philippine-France Joint Economic Committee Meeting. And many of the businessmen from France were able to speak to our ministers and some of the local businessmen as well,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ang pagbisita ng French ministers ay bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang bilateral na relasyon ng Pilipinas at France at patatagin ang higit pang kooperasyon ng dalawang bansa.

Isyu sa WPS, natalakay nina Pang. Marcos at French Pres. Macron sa isang telephone call

Sa unang bahagi ng kanilang pag-uusap sa telepono, tinalakay ng dalawang lider ang mga usapin sa seguridad na kinakaharap ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Pangulong Marcos na ginagawa ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng pagsisikap upang maresolba sa mapayapang pamamaraan ang naturang isyu.

Nabanggit din ni Pangulong Marcos sa kanilang pag-uusap ni Macron ang mapanatiling bukas ang shipping lanes at airways sa WPS.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang Chief Executive sa kaniyang counterpart dahil na rin sa ipinagkakaloob na suporta nito sa Pilipinas lalo na sa kapareho nitong tindig sa kung ano ang itinatakda ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

“But may I thank France for all the support that you have given us in terms of our shared values, in terms of following the international law, especially UNCLOS (UN Convention on the Law of the Sea),’’ dagdag ni Pangulong Marcos.

Malaking bagay rin, ani Pangulong Marcos, ang mga ipinapadalang vessel ng France sa area na tumutulong sa pagpapatrolya sa pinag-aagawang teritoryo.

“It has been of great help the messages of support and even when you sent French vessels to come and patrol. So I have thank you, Mr. President, and France,” saad pa ni Pangulong Marcos.

Inihayag ni Pangulong Marcos na ipinagdiriwang ng Pilipinas at France ang ika-75 anibersaryo ng kanilang diplomatikong relasyon, na ginugunita ang kanilang mabungang pagpupulong sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Bangkok noong nakaraang taon.

Sinabi ng Pangulo na parehong siniseryoso ng Pilipinas at France ang kanilang mga pag-uusap para masiguro ang magandang resulta para sa dalawang bansa.

Nabanggit din ni Pangulong Marcos na magsasagawa ang Pilipinas ng close diplomatic contact sa pamamagitan ni French Ambassador to the Philippines Marie Fontanel, na nagprisenta ng kaniyang mga kredensiyal noong Setyembre 20.

Samantala, nagpaabot naman ng imbitasyon si Pangulong Marcos sa French President na bumisita sa Pilipinas tuwing magkakaroon ito ng state visit sa Asya.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter