One-strike policy vs tiwaling OTS personnel, ipinakakasa ni Sen. Poe

One-strike policy vs tiwaling OTS personnel, ipinakakasa ni Sen. Poe

HINIKAYAT ni Sen. Grace Poe ang Office for Transportation Security (OTS) na pangasiwaan at mahigpit na ipatupad ang one-strike policy laban sa tauhan at opisyal nito na sangkot sa anumang uri ng modus operandi o kriminalidad partikular ang pagnanakaw sa pasahero.

Sa pahayag, sinabi ni Sen. Poe na kapag naipatupad ang naturang panukala, “mabubunot” ang mga undersirables mula sa hanay ng mabubuting indibiduwal at makatutulong sila sa pagpapanatili ng integridad ng tanggapan na nabahiran ng korapsiyon at kontrobersiya.

“Ang kailangan natin sa ating mga airport ay mga bantay sa ating seguridad, hindi bantay-salakay,” ayon kay Poe.

Sinabi ng chairperson ng Senate Committee on Public Services na dapat maipatupad ang matitigas na pagkilos laban sa tiwaling tauhan upang magsilbing senyales na seryoso ang tanggapan na magkakaroon ng reporma sa kanilang hanay.

Aniya, dapat isagawa ang imbestigasyon nang mabilisan at may kalakip na matibay na ebidensiya upang maiwasan ang anumang panghihimasok o interbensiyon sa pagsisiyasat.

Ayon kay Poe, ang pinakahuling insidente na kinasasangkutan ng isang tauhan ng OTS na kung saan lumulon ito ng $300 na umano’y kinuha sa isang pasahero ay nagpapakita lamang na kahit ano ay maaari nilang gawin maisakatuparan lamang ang masamang gawain.

Iginiit pa ng senadora na dapat matapang na maipakita ng OTS ang pagsasagawa ng pagbalasa sa sistema nito na binabalutan ng kapalpakan at korapsiyon sa maraming taon.

Iminungkahi rin ni Poe ang pagrerepaso sa patakaran sa recruitment kasabay ng pagsasagawa ng masusing background check sa kasalukuyang empleyado.

Kailangan kumilos din ang ahensiya na mapahusay ang kumpensasyon at benepisyo sa tauhan, dagdag ng senadora.

“Kailangan matukoy natin ang bugok na itlog na sumisira sa imahe ng OTS. Agrabiyado naman ang mga matatapat na tauhan na gumagawa ng kanilang tungkulin at nagiging hadlang sa paghahatid at pagbibigay ng mas mahusay na serbisyo sa ating mamamayan,” ayon kay Poe.

Follow SMNI NEWS on Twitter