Protesta laban sa China kaugnay sa WPS, ipagpatuloy —Rep. Biazon

INAANYAYAHAN ni Muntinlupa City Representative Ruffy Biazon na ipagpatuloy ang protesta laban sa China tungkol sa militia vessels nitong nakadaong sa West Philippine Sea o WPS.

Matatandaang naglabas ng Resolution No. 1707 si Rep. Biazon para kondenahin ang panibagong panghaharass ng China sa WPS kung saan mahigit 200 na mga barko na ang nakadaong dito.

Sa panayam ng SMNI News, binigyang-diin ng mambabatas na kahit dini-deadma ng China ang naturang protesta, ang importante ay nakikita ito ng international community.

“Agree ako doon sa ginagawa ng DFA at sang-ayon ako lalo sa sinabi ni Sec. Locsin na kahit araw-arawin niya ang protesta, agree ako doon kasi the moment na tayo ay huminto, madali nang sabihin ng China na, eh wala naman palang problema sa Pilipinas ‘yan, eh. ‘Di lalo lang nilang i-step-up ang kanilang ginagawa. Kahit na ba dini-deadma ng China, ang importante ‘yung international community, nakikita nila,” pahayag ni Biazon.

Inirerekomenda ngayon ni Rep. Biazon na gawing regular ang pagpapatrolya sa WPS dahil bahagi aniya ito ng pagpapakita na iginigiit ng bansa ang karapatan sa naturang teritoryo.

Mas paiigtingin din aniya ang pakikipag-ugnayan sa mga kaalyadong bansa dahil marami ang sumusuporta tungkol dito lalo pa’t sa ilalim ng UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea ay sakop ang WPS sa Pilipinas.

(BASAHIN: Paghain ng panibagong diplomatic protest laban sa China, ipinag-utos)

 SMNI NEWS