AGAD na pinatitingnan ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda, Jr. ang posibleng paglabag ng isang vlogger na si Rendon Labador.
Kaugnay ito sa kontrobersiyal na pagsama at pagsasagawa ng Facebook live sa gitna ng isang lehitimong operasyon ng PNP anti cybercrime group sa Makati City.
Oktubre 20, araw ng Biyernes nang isagawa ang isang raid ng PNP Anti-Cybercrime Group sa isang lending company na Golden Koi Lending Co. Inc., sa Makati City.
Ang modus ng kompanya, nangha-harass umano ng mga kliyente na hindi nakakapagbayad kaagad.
Makikita sa video ang pag-live ni Labador sa gitna ng operasypn kung saan may ginawa aniyang mali ang vlogger na ito sa kaniyang coverage gaya ng pagpapakita ng mga mukha ng mga sinasabing suspek at pagsasabi ng mga salitang hindi kaaya-aya.
Dahil dito, ilang kaanak ng mga nakunang empleyado ang nagreklamo at galit na sumugod sa pinangyarihan ng raid dahil sa paglabag diumano sa privacy ng sinasabing mga suspek.
Pero ayon sa ACG, binigyan ng access ang mga miyembro ng media at vlogger sa isinagawang raid sa nasabing opisina at kasama nga dito si Rendon.
Bagay na kailangan itong tingnan kung nasunod ba umano na nasa ilalim ng MC 2023-053 Media Relations Policy ng organisasyon.
Ayon naman sa PNP Directorate for Investigation and Detective Management, gumawa na sila ng memo para sumagot ang PNP-Anti Cybercrime Group kaugnay sa pangyayari.
Nakatakda ang isang pre charge investigation sa ilang opisyal ng PNP-ACG sa posibleng pananagutan ng mga ito kasama rin si Labador.
Tagapagsalita ng PNP-ACG, nagpaliwanag sa kontrobersiyal partisipasyon ng vlogger na si Rendon Labador sa isang lehitimong operasyon ng PNP
Samantala, sa eksklusibong panayam ng SMNI sa tagapagsalita ng PNP-ACG na si Captain Michelle Sabino, nanindigan ito na opisyal ang access ng vlogger sa operasyon.
Iginiit din nito na pangunahing target ng ACG na makakuha ng mas malawak na reach sa tuwing may gagawin silang operasyon sa tulong ng vlogger.
Ani Sabino, kinakailangan nilang makipagsabayan sa uso ngayon sa paraan ng paghahatid ng balita o impormasyon sa pamamagitan ng vlogging.
Sa huli, handa siyang sumagot sa gagawing imbestigasyon sa kanilang PNP para depensahan ang kanilang naging hakbang sa operasyon.
Sa kabilang banda, nagpaliwanag naman si Labador at sinabing, maaaring naninibago lang ang publiko sa kasalukuyan niyang ginawa na taliwas sa dati nitong content na puro pambu-bully sa maibigan nitong indibidwal.
Matatandaang, makailang beses nang na-take down ang social media pages ni Labador dahil sa sunud-sunod na violations sa mga ipinatutupad na community standards ng Facebook at YouTube.
Pakiusap ng ACG, itigil na ang isyu kay Rendon sa halip na ikatuwa ang accomplishments ng kanilang yunit laban sa mga ilegal na aktibidad.