MULING nilinaw ng Defense Department ng bansa na walang intensiyon ang Pilipinas na makipag giyera sa sinuman o kaninuman.
Sinabi ni Defense Sec. Gilbert Teodoro, ang mga hakbang ngayon ng pamahalaan partikular na sa kontrobersiyal na girian sa West Philippine Sea (WPS) ay pagpapakita lamang ng kanilang patuloy na paninindigan na ipaglaban ang karapatan ng mga Pilipino sa sobereniya nito.
Nag-ugat ito nang tanungin ang kalihim sa posibilidad na gamitin ang mutual defense treaty ng Pilipinas at Amerika sakaling magpatuloy pa ang diumano’y pangha-harass ng China sa mga barko ng Pilipinas sa WPS.
Rehabilitasyon sa Basa Air Base sa Pampanga, maaari nang gamitin para sa EDCA
Samantala, natapos na ang rehabilitasyon ng Basa Air Base sa Florida Blanca, Pampanga.
Ito’y sa ilalim ng Executive Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos Enhance Defense Cooperation Agreement 2014.
Ang proyekto ay nagkakahalaga ng P1.B na pinondohan ng US-Indo Pacific Command.
Sinimulan noong Disyembre 21, 2022 at nagtapos nitong Oktubre 20, 2023.
Sa pag-usad ng mga araw, patuloy ang paninindigan ng pamahalaan na hindi makokompromiso ang soberenya ng Pilipinas sa karagdagang apat na EDCA sites ng Estados Unidos.
Isa na itong Basa Air Base layon lamang gamitin ng bansa lalo na sa usapin ng disaster response at humanitarian assistance operations.
Una na sa mga tinukoy na kabilang sa apat na EDCA sites na karagdagan sa limang naunang lokasyon ay ang Naval Camilo Osias sa Santa Ana, Cagayan; Camp Melchor dela Cruz sa Gamu, Isabela; Balabac Island sa Palawan at Lal-lo Airport sa Cagayan.
Binigyang-diin pa ng pamahalaan na ang karagdagang EDCA sites ay kinabibilangan lamang ng mga storage facilities na limitado lamang ang mga kagamitan na gagamitin lamang kapag may isinasagawang military exercises at emergencies, pagsasaayos ng mga pasilidad na pag-aari at inio-operate ng AFP.
Samantala, ilan sa mga nagpapatuloy pa na proyekto sa lugar ang konstruksiyon sa HADR Warehouse, C2 Fusion Center, Fuel Storage Tanks (2x20K Gallon POL Storage), at Igloo Renovation.
Sa kabuuan, ang mga konstraksiyon ng EDCA facilities sa bansa ay pinaniniwalaang lilikha ito ng trabaho at mag-aangat sa lokal na ekonomiya sa mga komunidad na kinaroroonan ng karagdagang mga sites.