Viral na SUV driver na nagpakilala umanong pulis, wala sa database ng PNP

Viral na SUV driver na nagpakilala umanong pulis, wala sa database ng PNP

INIIMBESTIGAHAN ang mga posibleng paglabag ng isang SUV driver gaya ng reckless driving, obstruction of traffic, at improper person to operate a motor vehicle.

Kasunod ito ng tensiyon na nangyari sa isang bahagi ng C-5, Southbound Brgy. Western Bicutan, Taguig City nitong nakaraang Linggo, Nobyembre 24, 11:30 am.

Bukod sa panggigipit sa lisensiya, nag-akusa pa ito sa truck driver na diumano’y gumagamit ng ipinagbabawal na gamot dahil sa pamumula ng mata umano nito.

Una nang inirireklamo ng SUV driver na nag-cut umano ng truck sa kaniyang daan bagay na pinasinungalingan naman ito ng truck driver.

Batay sa pinakahuling impormasyon ng Philippine National Police (PNP) sa panayam ng media kay PNP PIO, Chief PCol. Jean Fajardo, naipa-blotter na ng truck driver ang SUV driver.

Sa nasabing blotter, isinalaysay ng truck driver na nagpakilala ang SUV driver bilang pulis.

“Yung biktima po roon ay nagpa-blotter about that incident. Ang sinasabi po niya ay nagpakilala na pulis ito at sinasabi na ‘Kukunin ko ang baril ko at babarilin kita’ at ‘Alam ko na kung saan ka nakatira,” ayon kay PCol. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Ayon sa PNP, maaaring makasuhan ng usurpation of authority ang SUV driver oras na mapatunayan ang mga ginawang pagbabanta nito at pangungumpiska sa lisensiya ng truck driver.

“On that basis alone ay we could charge ng usurpation of authority itong tao na ito para masampahan siya. Kailangan lang natin ng sinumpaang salaysay nung biktima dahil siya ang pinagsabihan, siya ang pinagbantaan at sinasabing nagpakilalang pulis ito. So kung siya ay magsasampa ng demanda ay we could file threat and even usurpation of

authority and kung makikita niyo doon sa viral ay hinihingi niya ‘yung lisensya,” dagdag ni PCol. Jean Fajardo.

Paglilinaw ng PNP, tanging ang may karapatan lamang na mangumpiska ng lisensiya ay mga traffic enforcer, mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at mga pulis na deputized ng LTO.

“Ang meron lang poder para humingi ng lisensiya ay ‘yung ating mga traffic enforcers, LTO at ‘yung ating mga pulis na deputized ng LTO. The mere fact of asking for the license doon ay there is already a simulation of authority of that guy,” wika ni Fajardo.

Sa inisyal na imbestigasyon ng PNP, lumalabas na wala sa official list ng PNP personnel ang SUV driver na sinasabing nagpakilalang pulis bagama’t tuloy ang pangangalap ng kaukulang impormasyon ang pulisya para papanagutin ito sa kaniyang maling tinuran.

“However, based doon sa ating pag-check sa LTO ay nakuha na natin ‘yung pangalan nung registered owner nung sasakyan na involve doon sa viral video na ito at based sa pag-check sa database ng PNP ay wala pong ganung pangalan ng pulis. So, lumalabas na hindi ito pulis based doon sa ating database ng mga active PNP personnel,” ani Fajardo.

Nauna nang pinaalalahanan ng PNP ang mga motorista na maging mahinahon at irespeto ang batas-trapiko para maiwasan ang anumang tensiyon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble