WALANG tigil ang ibinibigay na tulong ng Department of Transportation (DOTr) na libreng sakay sa NCR at sa buong bansa sa ilalim ng Service Contracting Program.
Ito ay bilang tugon sa kautusan ni DOTr Secretary Arthur P. Tugade na tulungan ang essential workers na bumibiyahe sa kani-kanilang mga trabaho.
Sa huling tala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) mula Marso 29 hanggang Mayo 18, nasa 6,907,488 ang ridership sa ilalim ng Libreng Sakay.
Ipinagbibigay alam din ng LTFRB na ang mga onboarded PUV drivers hanggang Abril 30 sa programa ay makatatanggap ng one-time incentive na P25,000.
Kung ang PUV driver naman ay mao-onboard mula Mayo 1 hanggang Hunyo 15 ay P20,000 ang kanyang matatanggap na one-time incentive.
Maliban dito ay maaari ring makatanggap ng dagdag na P7,000 ang PUV drivers na kasali sa programa kung sila ay maglolog-in sa Systems App nang limang araw sa loob ng isang linggo.
Malaking pasasalamat ng DOTr at LTFRB sa malasakit at serbisyo na inihahatid ng mga operator at driver para sa ating mga commuter.
Inaasahan din sa mga susunod na linggo ang pagtaas ng bilang na maseserbisyuhan ng libreng sakay dahil ito’y magpapatuloy hindi lang sa NCR kundi pati na rin sa buong bansa—isang makabayang serbisyo sa ilalim ng Service Contracting Program para sa healthcare workers (HCWs) at Authorized Persons Outside Residence (APORs).
Sa kabila ng kinakaharap na pandemya ay nagagampanan pa rin at mas pinagbubuti pa ng DOTr ang kalagayan ng mga healthcare worker at APORs pagdating sa transportasyon.
(BASAHIN:Tuloy-tuloy na libreng sakay para sa Medical Frontliners- Roque)