Mas mabigat na parusa kontra pre-registered SIM, ibinabala ng PAOCC

Mas mabigat na parusa kontra pre-registered SIM, ibinabala ng PAOCC

MABIBILI na ngayon sa internet ang mga pre-registered SIM card.

Ito ang mga SIM na dumaan na sa SIM registration gamit ang fake identity ng isang indibidwal.

Katunayan, kahit sa market place sa Facebook, laganap ang pre-registered SIMs na ginagamit ngayon sa mga ilegal na aktibidad.

Nasa P150 pataas kada isa ang bentahan nito sa Facebook.

Kaya babala ngayon ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) iwasan ang paggamit nito.

Sa panayam kay Usec. Gilbert Cruz, mahigpit ngayon ang monitoring ng law enforcement agencies laban sa pre-registered SIMs.

Mungkahi rin ng PAOCC na itaas ang parusa sa mga nagbebenta at bumibili ng pre-registered SIM, kasama ang pagkakakulong.

“Ang sa tingin ko lang ho dito taasan ho natin maam ‘yung penalties once you are in position of pre-registered SIM card especially na gagamitin mo sa kalokohan whether it’s POGO related crimes maybe sa kidnapping. Sa kidnapping po kasi nagagamit ‘yung pre-registered SIM cards and sa mga extortion activities ginagamit ‘yun. Higher penalties ‘yung possession lang po,” ayon kay Usec. Gilbert Cruz, PAOCC.

May posibilidad din aniya na totoong mga impormasyon ng mga Pilipino ang nailalagay sa mga pre-registered SIM.

At ang mga ito ay posibleng kinuha mula sa mga impormasyon sa websites ng gobyerno na na-hacked.

Sa ngayon, iniimbestigahan na ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang organized crime syndicates na gumagamit ng pre-registered SIMs.

“Kung may pre-registered SIM card ka, tapos bogus po ‘yung nasa loob. Once napatunayan na bogus ‘yung mga nasa loob na mga inentrada mo doon, atomatik dapat may mas penalized. Dapat mas mataas ‘yung penalty, pati ‘yung nagbenta,” dagdag ni Cruz.

Nanawagan naman ang DICT sa publiko na i-ulat ang mga indibidwal o grupong sangkot sa pagbebenta ng rehistradong SIM card sa Inter-Agency Response Center sa hotline 1326.

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI News on Rumble