Suspensyon ng pagpapadala ng OFWs sa Israel, suportado ng Malacañang

Suspensyon ng pagpapadala ng OFWs sa Israel, suportado ng Malacañang

SUPORTADO ng Malacañang ang panandaliang pagtigil ng pagpapadala ng mga overseas Filipino worker (OFWs) sa Israel upang mapangalagaan ang kaligtasan ng mga kababayan sa kaguluhang nangyayari sa nasabing bansa.

(BASAHIN: Pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa Israel, sinuspinde muna)

Ayon kay Presidential spokesperson Secretary Harry Roque, habang naghahanda ang pamahalaan para sa repatriation ng mga kababayan sa nasabing bansa ay itigil muna ang pagpapadala ng mga OFW doon.

“Well, suportado po ng Malacañang ang naging desisyon ni Secretary Bello na panandaliang itigil muna ang pagpapadala ng mga OFWs sa lugar ng Israel sa Gitnang Silangan dahil nga po sa tumitinding labanan ‘no doon ‘no, ito naman po ay para mapangalagaan nga ang kaligtasan ng ating mga kababayan,” pahayag ni Roque.

Nilinaw naman ni Labor Secretary Silvestre Bello na tanging suspensyon lamang at wala pang ipinatutupad na deployment ban sa mga OFW patungong Israel.

Pakiusap ng kalihim sa mga paalis na caregivers at health care workers ay ipagpaliban muna ng ilang araw ang kanilang biyahe upang hindi sila mapahamak.

Ayon pa sa kalihim, mananagot siya kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte sakaling may mangyari sa mga OFW kung papayagan ang kanilang agarang pagbiyahe.

Gayunpaman, patuloy pa rin ang proseso ng pagtanggap ng aplikasyon para sa mga trabaho sa Israel ngunit pansamantalang itinigil muna ang kanilang deployment.

Sa kasalukuyan, aabot naman sa halos 30,000 ang bilang ng mga OFW sa bansang Israel.

Matatandaan na unang linggo ng Mayo nagsimula ang girian sa pagitan ng  Israel at Palestine na nagdulot ng palitan ng airstrike ng dalawang bansa.

Nakahanda naman ang pamahalaan para sa repatriation ng mga OFW sa Israel ngunit walang gustong umuwi sa bansa dahil ayaw pang umalis ang mga ito sa kanilang mga trabaho.

SMNI NEWS