P31-B, ilalaan sa rice producers ngayong 2024

P31-B, ilalaan sa rice producers ngayong 2024

INILAHAD ngayon ng Kamara na naglaan ang national government ng bilyong pondo ngayong taon para sa mga magsasaka ng palay.

Ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Brian Yamsuan, P31-B ang inilaan para sa palay producers sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA).

Pasok ang pondo sa National Rice Program ng Department of Agriculture na dinagdagan ng halos kalahating bilyong piso mula sa 2023 budget nito.

Kaya naman umaasa sila sa Kongreso na tataas ang productivity ng palay farmers dahil sa local fund na ilalaan sa kanila.

Sa kabila na rin ito ng banta ng El Niño Phenomenon sa bansa o ang mas mahabang tag-init ngayong 2024.

Bukod sa nasabing pondo, nasa P15-Billion din ang inaasahan ng pamahalaan para sa mga maliliit na rice farmers na huhugutin mula sa mga nakokolektang taripa sa collections at rice imports nitong nakaraang taon.

“We are confident that not only the agriculture department, but other agencies across all other concerned sectors would be fully prepared for this prolonged dry spell,” pahayag ni Bicol Saro Party-list Rep. Brian Yamsuan.

Bicycle lanes, may P1-Billion ngayong 2024

Itinaas ng pamahalaan ang budget sa pagtatayo ng bicycle lanes ngayong bagong taon ng 2024.

Ayon kay House Committee on Metro Manila Development Vice Chairman Marvin Rillo, P1-Billion ang inilaan dito sa ilalim ng 2024 General Appropriations Law.

Noong una ani Rillo, nasa P500-M lamang ang initial request dito ng Department of Budget and Management.

Subalit, dinoble ng Kongreso ang pondo upang magkaroon ng ‘durable physical separation’ ang itatayong bike lanes at hindi humalo ang mga bisikleta sa mixed traffic lanes.

Nakapaloob ang P1-B budget sa Active Transport and Safe Pathways Program (ATSPP) ng Department of Transportation.

Sa ngayon, nasa 564 kilometers na ang naitatayo sa ilalim ng ATSPP sa mga lugar na sakop ng Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao as of June 2023.

Target ng DOTr na magtayo ng bicycle lane network sa buong bansa para makuha ang 2,400 kilometers na target pagsapit ng taong 2028.

Kasama sa popondohan ng ATSPP ang pagtatayo, maintenance, improvement at proteksyon sa lahat ng bike lanes at pedestrian walkways sa mga lugar na meron nito.

“This is our way of reassuring Filipinos that cycling is a sustainable alternative mode of mobility,” saad ni Quezon City Rep. Marvin Rillo.

 

 

 

Follow SMNI NEWS on Twitter