NASA P1,300-P1,400 ang presyo ng binibiling bigas ni Aling Shiela para sa kaniyang karinderya sa labas ng palengke sa Commonwealth sa Quezon City.
Malayo aniya ito sa nabibili nila noon na nasa P1,100 lang sa kaparehong kilo.
Pero, hindi na nila tinataasan ang presyo ng kada cup ng kanin kahit mahal ang kanilang puhunan.
Pero, sinabi naman ni Kuya Alfonso, nagtitinda ng bigas sa loob ng Commonwealth Market ay wala pang paggalaw sa presyo ng lokal na bigas.
Ngunit, hindi niya inaalis ang posibilidad na tumaas ito ngayong Enero.
Nagbabala naman ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa posibilidad na tumaas sa P2/kg ang presyo ng well milled rice sa merkado.
Kung kaya’t, posibleng umabot sa P54/kg-56/kg ang presyo.
Kasunod din ito sa pagtaas ng farm gate price ng palay na ipinapantay sa patuloy na pagsipa sa presyo ng imported na bigas sa pandaigdigang merkado.
”Yung sa farm gate ngayon, tumaas ‘yung farm gate, ‘yung delivered sa miller is P31.50. So, ang equivalent ‘nun kung palay to rice delivered na so nasa almost P50 na ang delivered sa Manila. Yung world market kasi ng Thailand at Vietnam tumaas. So, automatic tataas ‘yung imported ‘di ba?” ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman, SINAG.
Umaasa ang SINAG na matutugunan ito kaagad ng Department of Agriculture (DA) lalo’t kakapasok lang ng 2024 at taas-presyo ang bubungad sa unang linggo ng mga konsyumer.
“Mag-produce ng local siyempre at sana maabot natin ‘yung na dating level na 92% efficiency kasi ngayon nasa 80-75% na lang tayo,” dagdag ni Engr. So.
Tuluy-tuloy na pagdating ng imported na bigas sa bansa, tugon sa posibleng kakulangan sa suplay at taas-presyo sa bigas—DA
Ang DA naman ay sinigurong walang dapat ikabahala dahil tuluy-tuloy naman ang pagdating ng inangkat na bigas na nasa kabuuang 495,000 metric tons.
Sa pamamagitan nito, matitiyak ang kasapatan sa suplay at mararamdaman ang mababang-presyo ng bigas lalo’t may nakaamba ang epekto ng El Niño.
“Sa ngayon, we need to secure talaga ‘yung suplay, alam natin na magkakaroon din ng El Niño, there will be additional challenge doon sa level natin sa productivity, and we need to ensure na una mayroon tayong enough supply,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Paiigtingin din ng ahensiya ang iba’t ibang mitigation measures, water management interventions tulad ng cloud seeding at iba pa.
“Ang maganda kasi ‘yung mga major dam natin ay hindi nagkaproblema sa tubig, so ang magiging problema ay mga dulo na parts na mahihirapan na makarating ‘yung tubig. So, dahil maganda ‘yung water level ng dams natin. So, hindi inaasahan na magkakaroon ng problema. Ang magiging isyu lang ay kung magiging prolong ang El Niño kasi hanggang sa 2nd quarter tapos walang ulan hindi ma sustain ang mga dam,” dagdag ni Asec. De Mesa.
Sa kabilang banda, dinagdagan naman ang budget ng National Rice Program ng DA na aabot sa halos P31-B.
Malaking bagay ito para mapababa ang gastusin ng mga magsasaka lalo na ngayong planting season.
“Makatutulong ‘yun kasi ano ‘yun direct ayuda sa mga magsasaka natin in terms of inputs sa fertilizers sa seeds at tsaka sa machinery natin. This is on top sa RCEP pa natin na regular na P10 bilyon every year plus excess collection na puwedeng ibigay din directly sa ating mga farmer,” ani De Mesa.