SUSPENDIDO na ang dalawang airport policemen na ilegal na dumaan sa EDSA bus carousel lane at nakipagtalo pa sa isang enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) acting General Manager Eric Ines, hindi nila kayang hayaan lang ang ganitong uri ng pang-aabuso mula sa kanilang hanay.
Nararapat lang aniya na mahinto ang kahiya-hiyang pangyayaring ito.
Sa ulat, sinasabing ayaw ibigay ng isa sa airport police na nagsilbing driver ang kaniyang lisensiya at akmang aagawin pa nito ang cellphone ng MMDA nang magsimula na nitong i-record ang pangyayari.
Kung matatandaan, tanging awtorisadong mga sasakyan tulad ng sasakyan ng Philippine National Police (PNP) at iba pang emergency vehicles ang maaaring gumamit ng EDSA busway lane.