KINUMPIRMA sa isang text message ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda, Jr. ang nakaambang malawakang revamp sa loob ng pambansang pulisya.
Ito’y matapos na bakantehin ng nagretirong si Lt. Gen. Rhodel Sermonia ang posisyon nito bilang Deputy Chief for Administration.
Bagamat bigo pang sinabi ang mga pangalan ng mga aakyat sa bagong posisyon sa PNP, tiniyak ni General Acorda na malakihan ang maging pagbabago sa kanilang organisasyon mula sa command group hanggang sa regional offices nito.
Inanunsiyo ito kasabay ng pagdiriwang ng ika-33 anibersaryo ng pagkakatatag ng PNP ngayong taon kung saan nagsilbing panauhing pandangal dito sina Interior Secretary Benhur Abalos at dating Chief Justice at Executive Secretary Lucas Bersamin.
Sinundan naman ito ng command conference kasama ang matataas na opisyal ng PNP.
Nag-alay rin sila ng bulaklak sa PNP monument bilang pagkilala sa kabayanihan ng mga namayapang pulis na matapat na gumanap sa kanilang tungkulin sa bayan.