MALUGOD na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang alok ng Vingroup company ng Vietnam na mag-invest sa Pilipinas partikular sa produksiyon ng baterya ng electric vehicle (EV).
Sa isang pulong kasama ang mga top executive ng Vingroup sa Hanoi, sinabi ni Pangulong Marcos na napapanahon ito dahil kasalukuyang isinasakatuparan ng Pilipinas ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon.
Partikular na tinukoy ng Pangulo ang modernization program ng pamahalaan para sa public utility vehicles (PUVs) gaya ng mga jeepney at tricycle.
Binanggit ni Pangulong Marcos sa mga executive ng Vingroup na sa ngayon, isinasapinal na ang espesipikasyon sa mga sasakyang ito at kino-consolidate ng gobyerno ang mga operator at driver tungo sa isang kooperatiba.
At patungkol sa electric vehicles at components nito, sinabi ni Marcos na ang gobyerno ng Pilipinas ay nagmumungkahi na hayaang maging bukas ang merkadong ito at hindi lamang tumutok sa isang supplier upang makumpleto ang modernisasyon sa lalong madaling panahon.
Maaari aniyang suportahan ng Pilipinas ang produksiyon ng baterya para sa mga E-vehicle.
Ibinida ni Pangulong Marcos na ang Pilipinas ay mayroong magandang reserba ng nickel, cobalt, at copper.
Ang Vingroup ay isang multi-sector na korporasyon sa Vietnman na nakatutok sa teknolohiya, industriya, kalakalan, serbisyo, at panlipunang negosyo.