SIMULA ngayong Pebrero ay doble na ang matatanggap na social pension ng mga mahihirap na senior citizens na kwalipikadong benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod sa senior citizen na si Nanay Flora ay hirap din siyang mamuhay sa araw-araw dahil wala naman siyang hanapbuhay.
Idagdag pa ang iniinda niyang karamdaman.
Sabi ni Nanay Flora, umaasa na lang siya sa mga inaabot na tulong ng gobyerno tulad ng social pension mula sa DSWD sa mga tulad niyang mahirap.
Kahit papaano’y nakatutulong din aniya ang P500 buwanang social pension.
Pero siyempre, kulang na kulang pa rin aniya ito.
“Isang kahig, isang tuka lang. Walang nagha-hanapbuhay sa amin,” ayon kay Flora Mendoza, senior citizen.
Para naman kay Tatay Jose, kailangan niyang mag-alok ng libreng linis ng bahay kapalit ng makakain panlaman ng kaniyang sikmura.
“Kaya naglilinis ako, nagtatrabaho ako para lang makakain sa amo ko para makabili ako ng gatas ko, para sa likod ko. Ayaw ko talaga, kasi nakakapagod maglinis sa bahay pero wala akong magawa kasi wala na akong hanapbuhay,” ayon kay Jose, Senior Citizen.
Ang DSWD ay sisikapin na tugunan ang mga hamong kinakaharap nila Nanay Flora at Tatay Jose.
Nitong Biyernes ay epektibo na ang dobleng social pension na matatanggap ng mga tulad nilang mga mahihirap sa senior citizen.
Nasa 250 na mga lola at lola ang buena manong nakatanggap nito kabilang na silang dalawa.
Ito ay sa bisa ng Republic Act 11916 o ang Social Pension of Indigent Senior Citizen kung saan inakyat na sa P1,000 mula sa P500 ang buwanang pensiyon.
Ang bawat benepisyaryo ay tumanggap ng P6,000 pension para sa loob ng anim na buwan o mula Enero hanggang Hunyo.
Si Tatay Leonardo, labis ang kasiyahan na mapabilang sa unang tranche na nakatanggap nito.
“Siyempre para sa pangangailangan ko, pambili ko ng bigas at iba pang pagkain para tumagal pa ang buhay,” ayon kay Leonardo, Senior Citizen.
“Nais kong pasalamatan ang ating Pangulo, Ferdinand Marcos, Jr. dahil sa mabilis na pagpapatupad sa batas na ito na naglaaan ng 100% pagtaas sa buwanang pension ng ating mahihirap na senior citizens,” ayon kay Sec. Rex Gatchalian, DSWD.
Pagtitiyak pa ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, makakaasa ang mga ito na mananatili silang prayoridad ng ahensiya at sila ay hindi mapag-iiwanan.
Nilinaw naman ni DSWD spokesperson Asec. Romel Lopez na hindi kasali na tumanggap ng monthly pension ng DSWD ang mga pensioner mula sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) gayundin ang anumang kahit na anong private insurance company.
Wala rin aniyang papaboran lalo na sa mga politiko na nais magrekomenda ng benepisyaryo.
“May vetting process tayo from barangay, munisipyo, mga regional offices natin nang sa ganon ay na-double check natin kung talagang sila ay ‘yung nangangailangan at may coordination sa mga LGU,” ayon kay Asec. Romel Lopez, Spokesperson, DSWD.
Hanggang buhay ang isang nakatatanda o senior citizen ay patuloy silang makatatanggap ng buwanang P1,000 mula sa social pension program ng DSWD.
Gayunpaman, kahit nasa 4-M senior citizen ang nakasama sa social pension program ay mayroon namang 400,000 na senior citizens ang naghihintay na mapasama.
Ito ay dahil sa kakulangan ng pondo upang mapasama ang lahat ng mga senior citizen sa nabanggit na programa.