TUMANGGAP ng mahigit $100,000 para sa terorismo ang arestadong high-profile financing facilitator sa Sulu.
Hindi na nahirapan ang pamahalaan kay Myrna Mabanza, isa sa mga kilalang terorista sa buong mundo, ayon sa Justice Department, nang arestuhin ito sa Brgy. Padilla sa Indanan Sulu nitong Huwebes.
Hindi na anila kasi nanlaban pa si Mabanza matapos ang operasyong ikinasa ng pinagsamang puwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Kasama rito ang kaniyang dalawang anak na ngayon ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad.
Si Mabanza ay iniuugnay sa Islamic State of Iraq and Syria (ISIS), Al-Qaeda at idineklarang global terrorist ng Security Council ng United Nations at ng U.S. Department of the Treasury.
Nasa mahigit 100 libong dolyar o mahigit P5-M ang tinanggap ni Mabanza mula sa iba’t ibang bansa para sa terorismo ayon sa DOJ.
Ang pera ay ibinibigay naman ni Mabanza sa mga domestic facilitator sa pamamagitan ng money transfer o face-to-face.
Ang pondo sa terorismo, naging kasangkapan umano sa Marawi Siege noong taong 2017.
Nakapagtago si Mabanza sa kampo ng kaniyang kinakasama na isang high-ranking member ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Ayon pa sa imbestigasyon ng awtoridad, lumabas na ang pagiging guro ni Mabanza ang siyang nagagamit nito para maitago ang kaniyang terorismo.
Patung-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ni Mabanza kabilang ang 5 counts na paglabag sa Republic Act 10168 at Republic Act 11749, kabilang na ang Anti-Terrorism Act.
Sa ngayon ay tinitimbang pa ng prosekusyon kung mas mainam na mailipat ang paglilitis ng kaso ni Mabanza sa Metro Manila mula sa Zamboanga City RTC.
Ayon kay State Pros. Rassendell Rex Gingoyon, maaaring hindi kakayanin ng RTC sa Zamboanga ang paglilitis ng isang high profile terrorist, maliban diyan ay marami aniyang kamag-anak si Mabanza doon.
Kumpiyansa ang DOJ na makatutulong ang pagkakahuli ng terrorist financier na si Myrna Mabanza para matanggal na ang Pilipinas sa greylist ng Financial Action Task Force.