HABAAN pa ang pasensiya dahil posibleng mararanasan pa hanggang buwan ng Hulyo ang mainit na panahon na dulot ng El Niño.
Ito ang kinumpirma ni Department of Science and Technology (DOST) Sec. Renato Solidum Jr. sa isang pulong-balitaan sa Camp Aguinaldo.
“So, May, June, July hindi pa po sapat ‘yung pag-ulan. That is why our drought condition si extended,” ayon kay Sec. Renato Solidum Jr., DOST.
Aniya dahil sa sobrang init ng panahon, umabot na sa mahigit 70 probinsiya ang nakaranas ng drought condition.
Ayon naman kay Usec. Carlos Primo David ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), bumaba ang lebel ng tubig sa mga probinsiya ng Bulacan, Ilocos, at Palawan ngunit ang mas naapektuhan ay ang Zamboanga City.
“For the whole country, we have been receiving reports of not having enough water in several provinces ran by our water districts. Most of them are concentrated in the west side of the country from Ilocos, in Bulacan may reports na bumababa ang water level sa ground. Palawan and siguro ang pinaka-extreme case ngayon in terms of water supply would be in Zamboanga particularly in Zamboanga City,” ani David.
Kaya upang makatipid ay binawasan na nila ang pressure ng tubig sa mga kabahayan.
Ang Department of Energy (DOE) naman ay nagkaroon na ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng El Niño.
Sa sektor naman ng agrikultura pumalo na sa mahigit P4-B ang danyos dahil sa sobrang init ng panahon.
“As of the latest bulletin that we issued the total damage reported ang validated by our department is about P4.39-B already,” ayon naman kay Asec. Ariel de Mesa, DA.
Aniya, nasa 11 rehiyon na ang apektado ng El Niño.
Umabot na rin aniya sa mahigit P2-B ang kanilang naipamahagi na ayuda sa mga magsasaka at mangingisda.
Samantala, payo naman ng Department of Health (DOH), bawasan ang outdoor activities upang makaiwas sa panganib dala ng mainit na panahon.
Kasabay nito, pinaghahandaan na rin ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang La Niña.
Base sa forecast ng PAGASA, nasa 10-13 tropical cyclones ang papasok sa bansa sa huling quarter ng taon.