Malacañang, pinarerepaso ang minimum wage rates sa bawat rehiyon

Malacañang, pinarerepaso ang minimum wage rates sa bawat rehiyon

IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na simulan ang isang napapanahong pagsusuri sa minimum wage rates sa bawat rehiyon.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang direktiba sa kaniyang talumpati sa ‘Labor Day with the President’ event sa Malacañang, araw ng Miyerkules, Mayo 1, 2024.

60-araw na pag-review ang ibinigay sa RTWPB, bago ang anibersaryo ng kanilang pinakahuling wage order.

Bukod dito, inutusan din ng Pangulo ang National Wages and Productivity Commission (NWPC) na repasuhin ang mga patakaran nito.

Magbibigay-daan aniya ito sa mga board na mapanatili ang isang regular at predictable na iskedyul ng pagrepaso sa sahod, pagpapalabas, at pagiging epektibo upang mabawasan ang kawalan ng katiyakan at mapahusay ang pagiging patas para sa lahat ng mga stakeholder.

Ang mga kautusang ito ay bilang pagtugon umano sa epekto ng inflation lalo na sa mga manggagawa.

Tungkol sa panawagang pag-review ng minimum wage rates, ay may tugon naman dito ang Sectoral Representative ng National Anti-Poverty Commission (NAPC) Formal Labor and Migrant Workers Sector na si Edwin Bustillos.

Aniya, nararapat lang ang kautusang ito lalo’t labis-labis ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Iba’t ibang aktibidad, isinagawa sa Malakanyang kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day

Kasabay pa rin ng Labor Day, naibahagi rin ang nalalapit na pagtatapos ng Workers Rehabilitation Center (WRC) para sa mga maggagawa at sundalong nagtamo ng kapansanan o pinsala na may kaugnayan sa trabaho.

Isang nilagdaang Memorandum of Understanding (MOU) sa WRC Site Development Plan ang iprinisenta sa Chief Executive sa event sa Palasyo.

Ang 50-ektaryang Workers Rehabilitation Center ay itatayo sa Tanay, Rizal.

Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Bienvenido Laguesma na naisakatuparan ang nasabing proyekto sa pamamagitan ng pinagsanib-puwersa at pagtutulungan ng ilang ahensiya tulad ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), DPWH, DENR, DILG, DOLE, at Tanay LGU.

Kasabay ng Labor Day, ay ipinagdiwang din ang ika-50 anibersaryo ng Labor Code of the Philippines (LCP).

Ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ay naglunsad din ng commemorative stamps para sa golden anniversary ng paglagda ng LCP.

Kasama sa dumalo sa ‘Labor Day with the President’ event sa Palasyo ang kalihim ng DOLE na si Secretary Laguesma, ang Postmaster General and CEO ng Philippine Postal Corporation na si Luis Carlos at iba pang mga opisyal.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble