INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng kabuuang P3.744-B sa Commission on Higher Education (CHED).
Ayon kay DBM Secretary Mina Pangandaman, gagamitin ang nasabing pondo para sa implementasyon ng Tulong Dunong Program ng CHED.
Ang programang ito ay nagbibigay ng tulong-pinansiyal sa mga kwalipikadong mga estudyante na ipinagpapatuloy ang kanilang college degree.
Idinagdag pa ni Pangandaman na ang scholarship program na ito ay napakalaking tulong para sa mga mag-aaral, lalo na sa mga hirap sa pananalapi o sadyang hindi kayang makapag-aral ng kolehiyo.
“This scholarship program is a huge help for our dear students, especially those who are having financial difficulty or simply cannot afford to go to college,” ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman.
Makabebenepisyo sa nasabing badyet ang nasa mahigit dalawang daang libong (247,135) student-grantees na naka-enroll sa mga CHED-recognized public at private higher education institutions.
Layunin nito na matulungan ang mga mag-aaral sa gastos sa tertiary education para sa ikalawang semestre ng Academic Year (AY) 2023-2024 at unang semestre ng AY 2024-2025.
Ang Tulong Dunong Program ay isa sa mga bahagi ng Universal Access to Quality Tertiary Education-Tertiary Education Subsidy (UAQTE-TES).
Inaprubahan ng DBM Chief ang pagpapalabas ng SARO para sa naturang layunin noong Abril 15 ngayong taon.