NGAYONG papalapit na ang pagtatapos ng school year o ang graduation season, ay may ilang abiso ang Department of Education (DepEd) sa pagdaraos ng moving up ceremonies.
Sinabi ni DepEd Assistant Secretary Francis Bringas na noong nakaraang isa o dalawang linggo ay nakapagbigay na sila ng guidance sa lahat ng school heads.
Abiso ng DepEd, ang pagdaraos ng year-end activities gaya ng moving up exercises at graduations ay kailangang simple pero makabuluhang selebrasyon partikular pagdating sa kasuotan.
“So, ibig sabihin lang niyan, they should be avoiding extravagant events at hindi kailangan ng mga special attires para magkaroon ng makabuluhan na graduation,” pahayag ni Asec. Francis Bringas, DepEd.
Sinabi rin ni Bringas na ipatutupad ng DepEd ang “no collection policy”.
Ibig sabihin, wala dapat mga kontribusyon na gagawin mula sa mga mag-aaral at mga magulang sa pagsasagawa ng year-end exercises.
“Dahil iyan naman ay tutustusan ng ating school MOOE – nakapaloob iyan sa budget ng ating mga eskuwelahan,” dagdag ni Bringas.
At dahil nga ganito kainit ang panahon ngayon, mayroon ding abiso ang kagawaran na hangga’t maaari kapag mayroong available space, dapat gawin sa ‘indoors’ ang graduation rites.
“At kailangan mag-adjust sila ng kanilang mga schedule – kung malaki iyong magga-graduate baka puwedeng batch one, batch two para ma-accommodate sila doon sa indoor space na available sa schools,” ani Bringas.
Pero kapag wala talagang indoor space…..
“Pero in the absence of indoor space like covered courts, kailangan hindi sila magdaos ng mga closing exercises from 10:00 up to 3:00 to 3:30 dahil iyan ang kasagsagan ng init ng sikat ng araw – so, puwede sila ng mga 6 to 10, 7 to 10 and then they will do that 3:30 to 6:00 or 3:30 to 7:00 in the afternoon para lang ma-ensure natin na hindi sila masyadong maapektuhan ng init ng panahon,” aniya.
Inihayag pa ni Asec. Bringas na magtatapos ang kasalukuyang school year ng May 31, 2024.
Sa July 29 o end of July naman ang umpisa o pagbubukas ng school year 2024-2025.
Habang tinitingnan ang posibilidad na magtapos ang 2024-2025 school year sa March 31, 2025 para makapagsimula ng June para sa school year 2025-2026.