Suspended Cebu City Mayor Michael Rama, nakakuha ng suporta mula kay QC Mayor Joy Belmonte

Suspended Cebu City Mayor Michael Rama, nakakuha ng suporta mula kay QC Mayor Joy Belmonte

NAGPAHAYAG ng suporta para sa suspendidong Cebu City Mayor Michael Rama si Quezon City Mayor Joy Belmonte.

Si Belmonte, na siya ring Executive Vice President ni Rama sa League of Cities of the Philippines, ay sumulat sa suspendido na alkalde noong Mayo 14, 2024 upang ipahayag ang kaniyang suporta sa mga hamon na kinakaharap niya sa kasalukuyan.

Ayon kay Belmonte, hindi binibigyang kahulugan ng mga akusasyon ang buhay ng isang tao, lalo na ang buhay ni Mayor Rama, na ginugol niya sa serbisyo publiko.

Umapela rin siya sa lahat na huwag husgahan si Cebu City Mayor Rama nang hindi isinasaalang-alang ang kaniyang karakter at kontribusyon.

Ang liham ng suporta ni Belmonte ay ginawang espesyal para kay Rama sa gitna ng nakabibinging katahimikan ng kaniyang mga kaalyado sa politika.

Matatandaang inilagay ng Office of the Ombudsman si Rama at pitong iba pang opisyal ng lungsod sa ilalim ng anim na buwang preventive suspension sa mga reklamo ng “oppression” na inihain ng apat na regular na empleyado ng city hall na hindi binayaran ng kanilang suweldo sa loob ng 10 buwan.

Sa ngayon, wala sa mga kilalang kaalyado sa politika ni Rama, kahit na mga kapartido, ang humarap sa publiko na nagpahayag ng kanilang suporta sa nasuspinde na alkalde.

Follow SMNI NEWS on Twitter