KALAHI program na tumutulong sa kanayunan, dapat nang maisabatas—DSWD

KALAHI program na tumutulong sa kanayunan, dapat nang maisabatas—DSWD

NANANAWAGAN ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Kamara na pansinin naman ang matagal nang hiling na maisabatas ang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI) program na tumutulong sa mga komunidad sa kanayunan dahil mandato ng DSWD ang pagtulong sa mga mahihirap na mga Pilipino.

Ang KALAHI program ay isa lamang sa mga programa ng ahensiya. Sa ilalim ng programa ay tinutulungan ang mga komunidad mula sa mga maliliit at mahihirap na munisipalidad sa bansa.

Binibigyan ng kapangyarihan ng DSWD ang isang komunidad na mag-plano, mag-ayos ng budget at magpatupad ng proyekto na makakatulong sa kanila.

Sa katunayan, nasa P5-M ang budget ng KALAHI program sa isang komunidad mula sa foreign at local funds.

Kabilang ang mga mangingisda at magsasaka sa benepisyaryo ng programa tulad ng irrigation system, post-harvest facility, farm to market roads, at iba pa.

Pero, aminado ang National Program Manager na si Atty. Bernadette Aquino Mapue-Joaquin na hindi sapat ang pondo para mapalawak pa ang programa.

“Ito ‘yung reasons kung bakit ang KALAHI minsan ‘yung stability and incontinuity kasi may mga isyu tayo diyan. Kasi may mga taon na malaki ang pondo namin kasi may ongoing grants or loans tayo or allocation. May mga year na tapos na or patapos na ang allocation na ‘yun, limited na ‘yung ating funds. For example, last year ang pondo ng KALAHI-CIDSS ay P16-B, this year ang pondo namin ay not more than P7-B or more than half ang nabawas, tapos next year P500-M na lamang,” ayon kay Atty. Bernadette Aquino Mapue-Joaquin, National Program Manager, KALAHI-CIDSS.

Oras na mabawasan pa ang pondo para sa naturang programa ay posibleng hindi na ito mapalawak pa para sa mga mahihirap na komunidad.

Sa datos ng DSWD, mahigit 2.5 milyong community volunteers ang natulungan na ng programa. Nasa halos 800,000 kababaihan naman sa kanayunan ang nabigyan ng trabaho at mahigit 22 milyong pamilya ang benepisyaryo nito.

Bukod pa diyan, nasa 2.1 milyong manggagawa ang napapaswelduhan habang higit 83,000 sub-projects ang naisakatuparan at napapakinabangan ngayon.

Pero, sabi ni Joaquin, sa dalawang dekada nang implementasyon ng programa, nakakapagtaka naman kung bakit hanggang ngayon ay tila hindi pa rin kumikilos ang Kamara para tuluyan itong maisabatas.

Sabi ni Atty. Bernadette, matagal na nila itong ipinanawagan sa Kamara.

“Sa atin pong mga mambabatas, isabatas po natin ang programa. Tulungan niyo kaming ipagpatuloy ang pagbibigay tulong sa mga nangangailangan,” dagdag pa nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble