Suplay ng tubig ng Maynilad sa ilang customers sa Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, ‘di pwedeng inumin

Suplay ng tubig ng Maynilad sa ilang customers sa Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, ‘di pwedeng inumin

INIIMBESTIGAHAN na ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS RO) ang serbisyo ng Maynilad sa ilang mga konsyumer nito sa katimugang bahagi ng Metro Manila.

Paano ba kasi, hindi maaaring inumin ng mga konsyumer ang tubig-gripo na sinusuplay ng naturang konsesyonaryo sa mga kabahayan.

Hindi bababa sa P300 ang gastos nina Tatay Francis at Nanay Ludy kada linggo dahil sa pamimili ng galon-galon ng tubig.

P25 hanggang P50 kasi ang galon ng mineral water na nabibili nila na pang-inom at pangluto araw-araw.

Nakagawian na nilang mag-anak na ang tubig na lumalabas sa gripo ay gagamitin lamang na panghugas ng pinggan at panglaba.

Kampante kasi sila sa tubig na pinuproseso sa isang makina kaysa naman aniya sa tubig-gripo na maraming tubong dinadaanan.

“It’s more safer, kasi nakikita namin ‘yung processing ng mineral water marami silang gadgets tapos ilalabas ‘yung tubig so mas tiwala kami,” ayon kay Tatay Francis, Customer ng Maynilad.

Sa Laguna Lake kinukuha ng Maynilad ang suplay ng tubig na ibinibigay nila sa mga customer sa katimugang bahagi ng Metro Manila.

Ito ay pinuproseso sa isa nilang water treatment plant sa Muntinlupa City.

‘Yun nga lang at nag-abiso ang Maynilad na ang tubig na isinusuplay sa ilang barangay sa lungsod ng Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Bacoor at Imus ay hindi pupwedeng inumin o gamiting pangluto.

Mga apektadong lugar bunsod ng hindi  kalidad ng tubig na sinusuplay ng Maynilad

  • Las Piñas City

Almanza Uno, Almanza Dos, BF International, Pamplona Tres, Pilar, Talon Uno, Talon Dos, Talon Kuatro at Talong Singko

  • Muntinlupa City

Alabang, Ayala Alabang, Bayanan, Buli, Cupang, Poblacion, Putatan, Sucat at Tunasan

  • Parañaque City

BF Homes Don Bosco, San Antonio at Marcelo Green

  • Bacoor City

Molino II, Molino III, Molino IV, Molino VII, Queens Row Central, Queens Row East, Queens Row West at San Nicholas III

  • Imus City

Pasong Buaya I at Pasong Buaya II

SOURCE: MAYNILAD

 

Nagkaroon kasi ng malaking epekto sa kalidad ng raw water sa Laguna Lake mula ng pagsisimula ng tag-ulan.

“And with that change in the season, may certain variations doon sa mga water quality sa Laguna Lake. Iyong pagbabago niya ay medyo significant so lumagpas iyong parameters doon sa treatment capability ng treatment plant sa South.”

“Ang nangyari lang kasi recently, tumaas iyong salinity nung raw water ng Laguna lake. So mataas iyong salt content niya, at ang nakakatanggal niyan ay reverse osmosis. So, ni-relax lang natin iyong standard na iyan,” pahayag ni Jennifer Rufo, Head, Corporate Communications, Maynilad Water Services Inc.

Hindi mainom na tubig na sinusuplay ng Maynilad sa ilang customers, iniimbestigahan na ng MWSS RO

Wala pang katiyakan ang Maynilad kung kailan ba maibabalik sa normal ang kalidad ng tubig na sinusuplay sa ilang customers. Pero, para sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulatory Office (MWSS RO) bigo pa rin ang konsesyonaryo na maibigay sa mga customer ang tamang serbisyo.

“Maynilad is supposed to provide potable water to its customers. This is not potable water. We want to understand the situation and investigate why they are not able to provide this potable water. Kasi their excuse right now is the water quality in Laguna Lake. And we all know that this is seasonal, this happens every year. So, they should have been prepared for this,” wika Atty. Patrick Ty, Chief, MWSS RO.

Kaya si Rose na may-ari ng isang karinderya ay naabala.

Bukod kasi sa hindi maganda ang kalidad ng tubig ng Maynilad ay mataas pa rin ang singil nito. Maliban diyan ay mahina rin ang lumalabs na tubig sa gripo.

“98% ang abala ganon ka percent o ‘di kaya’y 100% mo na abala…Maghihintay ka kung kailan mapupuno kasi hindi naman puwede tsaka ka na lang mag-ipon kung kailan may huhugasan ka na. Kailangan may stocks ka na at hintayin mo talaga siya kung kailan siya makaipon,” ayon kay Rose, Customer ng Maynilad.

Kalidad ng tubig na sinusuplay ng Maynilad, hindi pinagkakatiwalaan ng ilang konsyumer

Mahalaga kasing maibalik ng Maynilad sa maayos na kalidad ang tubig na sinusuplay lalo’t milyun-milyong Pilipino ang umaasa rito.

Posible kasing makasira sa kalusugan ng mga customer ang naturang tubig oras inumin nila ito.

Kaya, si Nanay Ludy wala nang tiwala sa sinusuplay na tubig ng Maynilad.

Kaya, panawagan niya

“Ayusin ang service ng Maynilad, para iwas-gastos din. Di ba, nagbabayad kami ng Maynilad tapos hindi naman namin mainom,” ayon kay Nanay Ludy, Customer ng Maynilad.

Sa huli, babala ng MWSS RO sa naturang konsesyonaryo.

“Maynilad is required to fix the problem within three days. Beyond three days we can impose financial penalties already,” dagdag ni Ty.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble