Mahigit 710K na nabakunahan kahapon, pinakamataas na daily jab rate

Mahigit 710K na nabakunahan kahapon, pinakamataas na daily jab rate

NAKAMIT kahapon Agosto 5 ang pinakamataas na daily jab rate ng bansa.

Ito ang inanunsyo ni Deputy Chief Implementer Vince Dizon sa Laging Handa briefing, isang araw pagkatapos dagsain ang ilang vaccination sites sa Metro Manila.

Ayon kay Dizon, pumalo sa 710,782 coronavirus shots ang naiturok kahapon.

Nalagpasan nito ang target na 500,000 daily jabs at ang naitalang 702,013 doses na naiturok noong Agosto 3.

Mga dumagsa sa ilang vaccination sites sa Metro Manila na magpa-swab test at sumailalim sa self-quarantine

Hinimok naman ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque ang mga dumagsa sa ilang vaccination sites sa Metro Manila na magpa-COVID-19 test at sumailalim sa self-quarantine.

Payo ni Duque, ipagbigay-alam agad sa barangay emergency response team kapag nakaramdam ng sintomas ng COVID-19 upang mabigyan ng lunas o mai-refer sa tamang facility.

Umaasa rin ang kalihim na hindi na muling mangyayari ang potentially super spreading events sa vaccination sites.

Nanawagan din si Duque sa publiko na huwag magpagamit sa mga grupo na nagpapakalat ng maling impormasyon para lituhin ang mga tao.

Kahapon, dinagsa ang ilang vaccination sites sa Maynila, Las Piñas at iba pang lugar sa Metro Manila matapos kumalat ang maling impormasyon na hindi makakatanggap ng ayuda ang mga hindi pa bakunado kontra COVID-19.

Umaasa naman ang DOH chief na hindi na muling mangyayari ang insidente sa pamamagitan ng pagtitiyak ng mga LGU ng maayos na pagpapatupad ng plano para sa ligtas at mabisang vaccination activities.

“No Vaccine, No Ayuda”, pinabulaanan ng DOH

Samantala, pinabulaanan ng DOH ang kumakalat na pekeng balita na ‘di makatatanggap ng ayuda at ‘di papapasakin sa trabaho kung ‘di pa nabakunahan.

Paalala ng DOH, iwasan ang pagpapakalat ng mga pekeng balita na nagdudulot ng kalituhan sa mga tao.

Sa kabila nito, inihayag ng DOH na tuloy-tuloy ang bakunahan sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung saan pinapayo ang pagdadala na sariling ballpen at alcohol at patuloy na sumunod sa mga minimum health standards.

Paalala naman ng DOH sa mga lokal na pamahalaan na dapat magkaroon ng registration upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa mga vaccination site.

BASAHIN: Vaccination sites sa Quezon City, mahigpit na ipinagbabawal ang mga walk-in

SMNI NEWS