UMAAPELA ng patas na imbestigasyon si suspended Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac hinggil sa kinasasangkutan nito na isyu sa kasalukuyan.
Sa isinumiteng sulat kay Executive Sec. Lucas Bersamin sa pamamagitan ng kaniyang legal counsels, binigyang-diin ng mayora na kaisa siya sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na maibunyag ang katotohanan at maipairal ang hustisya.
Subalit ipinaliwanag at pinabulaanan na rin nito ang umano’y pagkakasangkot niya sa Baofu Land Development Inc. maging ang mga akusasyon na espisya siya o kaya’y may kinalaman siya sa human trafficking, kidnapping, at money laundering.
Hinggil sa Baofu Land, ang property sa Tarlac na ni-raid dahil sa POGO na kinilala bilang Zun Yuan Technology Inc., sinabi ni Guo na ibinenta niya na ang kaniyang share dito bago tumakbo bilang mayor ng Bamban noong 2022.
Noong Hunyo 15 ay sinabi na ng PAOCC na maghahain sila ng seryoso at non-bailable na kasong kriminal laban kay Guo.