NAGSUMITE ng resolusyon si Sen. Imee Marcos para paimbestigahan sa Senado ang umano’y secret propaganda ng U.S. military na siraan ang bakunang Sinovac ng China sa kasagsagan ng COVID pandemic noon.
Ayon sa Reuters, ginamit ng U.S. military ang hindi bababa sa 300 fake accounts sa X, na dating Twitter, para magpunla ng pagdududa tungkol sa mga bakuna at personal na kagamitang pang-proteksiyon mula sa China.
Ang mga account na ito ay ginawa para pagmukhang regular social media users sa Pilipinas na nagpo-post gamit ang wikang Filipino.
“Yes, abalang-abala tayo pero abalang-abala din ang mga Amerikano dito sa pangyayari at tayo ay talagang nalulungkot sa sinasabing confirmed report na hindi naman tinanggi ng Pentagon na ginawa nila ito para siraan ang kanilang kaaway na Chinese. Ang problema, buhay naman ng mga Pilipino ang nilulustay dahil sa hindi gustong magpa vaccine sa Sinovac,” pahayag ni Sen. Imee Marcos, Chair, Committee on Foreign Relations.
Sinabi ni Sen. Imee, chairman ng Senate Committee on foreign Relations, sa kaniyang Resolution No. 1052 na dapat kumpirmahin kung ang militar ng Estados Unidos ay tunay na nagsagawa ng isang anti-vaccine campaign at misinformation noong krisis ng COVID na nakatuon din sa mga Pilipino.
Idinagdag din niya na kailangang tukuyin ang potensiyal na paglabag ng militar ng Estados Unidos sa pandaigdigang batas, kasama na ang mga legal na hakbang na magagamit ng Pilipinas, sapagkat aniya ang disinformation ay isang malaking banta sa pambansang seguridad.
Kaugnay rito ay umaasa ang senadora sa pakikipagtulungan ng kagawaran ng kalusugan para sa imbestigasyon ng nasabing issue.
Una nang sinabi ng DOH na nararapat imbestigahan ng mga kinauukulang awtoridad mula sa mga nauugnay na bansa ang umano’y propaganda ng US.
Pero para naman kay dating Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, hindi siya naniniwala sa nasabing investigative report ng Reuters.
Aniya hindi ito totoo dahil sa panahong ‘yon ay tila suportado ng lahat ng kaalyado ng Pilipinas ang paggamit ng kahit anumang brand ng bakuna kontra COVID.
Sa isa namang pahayag ay binatikos ng tagapagsalita ng Chinese Embassy ang umano’y anti-vaccine operation ng U.S. military. Lumalabas aniya dito bilang mensahe ay ang pagiging hypocrite at double standard ng U.S.
Ang pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa mga bakuna ay ilan sa mga suliraning dinanas ng gobyerno noong kasagsagan ng COVID dahil pinalala nito ang pag-aalinlangan ng publiko sa bakuna na nakaapekto sa kanilang kalusugan.
Nabawasan ang kumpiyansa sa mga bakuna na gawa sa China, bahagi na rin dahil sa kanila umanong mababang bisa. Dahil dito, ang ilan ay nagdalawang-isip na magpabakuna agad at naghintay ng mga mas epektibong bakuna gaya ng Pfizer at Moderna.