NAGMISTULA nang dagat ang buong Marikina River dahil sa taas ng tubig-baha, ngayong araw ng Miyerkules, Hulyo 24, 2024.
Hindi na rin tanaw ang Marikina Park at Riverbanks na nasa gilid lamang ng ilog.
Kalahating katawan na lang din ng 40-feet statue ni Marikit ang makikita mo matapos itong malubog sa tubig.
Ang sitwasyong ito sa lungsod ng Marikina ay dahil sa walang humpay na pag-uulan bunsod ng Bagyong Carina.
Takot at pangamba ang nararamdaman ng mga residente sa Marikina dahil sa bilis ng pagtaas at pagragasa ng tubig-baha na nagmula sa bundok sa lalawigan ng Rizal. Bakas pa rin kasi sa kanila ang mapait na karanasan na idinulot noon ng Bagyong Ondoy.
“Kapag malakas na ang baha matakot na talaga kami kasi parang may phobia na kasi sa Ondoy. ‘Yung family ko nandito sa bahay tapos galing ako sa trabaho tapos hanggang leeg ang tubig lumusob ako,” ayon kay Merna Bustamante, Residente, Marikina City.
“’Yung mga bahay ay lumubog sa baha katulad ng nangyari noong Ondoy dati. Sa ngayon binabantayan pa lang naman, wala pa kaming ginagawang paglikas kasi umaasa kami na hihinto ‘yung diretso-diretsong pag-ulan,” giit naman ni Daniel Velonzo, Residente, Marikina City.
Dahil walang tigil sa pag-ulan at ilang barangay na rin sa Marikina ang lubog sa baha, ilang residente na ang nagsilikas patungong evacuation centers.
Ang mag-asawang senior citizen ay nahirapan bago makarating sa Malanday Elementary School na itinalagang evacuation center ng lungsod.
“Hirap, naglakad lang kami mula sa Libis hanggang dito, walang nagtulong kahit may nakakita. Mahirap kasi hindi siya makalakad tapos hanggang makarating kami rito basang-basa. Baka lumaki ‘yung tubig ngayon pag-alis namin hanggang talampakan na ang tubig,” saad ni Violeta Dino, Residente, Marikina City.
Hindi na rin alintana ang iniindang karamdaman ni Nanay Rosemarie Perez kung saan nakakabit pa sa kaniyang tiyan ang colostomy bag.
Kakaunting gamit lang ang nabitbit nilang mag-anak pero okay na anila ito kaysa maiwan ang kaniyang pamilya sa bahay.
“Di bale basta at least buhay kami lahat, di ba,” ani Rosemarie Perez, Residente, Marikina City.
Maaga pa lang ay inikot na ni Mayor Marcy Teodoro at Congresswoman Maan Teodoro ang mga evacuation centers sa kanilang nasasakupan.
Ito ay para alamin ang kalagayan o sitwasyon ng mga inilakas na residente partikular na ang mga matatanda, buntis, bata, at iba pa.
Marikina Mayor Marcy, nanawagan ng dagdag na tulong para sa mga apektado ng sama ng panahon
Sapat ang kanilang mga evacuation centers at mga tauhan para alalayan ang mga residenteng nangangailangan ng tulong.
Pero, nanawagan ang alkalde ng dagdag pang tulong mula sa pampubliko at pribadong sektor.
“Sasapat para sa mga ilang araw na mga pangangailangan. Pero, ako ay natatakot dahil sinabi sa akin ang bagyong ito ay tatagal, doon ako nababahala. Dahil ang bagyo ay kadalasan 1 o hanggang 2 araw, lumilipas na. Pero, ngayon hindi tumitila o hindi humihina,” ani Mayor Marcy Teodoro, Marikina City.
Pinakalat na rin ng opisina ni Congresswoman Maan Teodoro ang mga medical team na aasiste sa mga batang inilakas lalo na sa banta ng leptospirosis.
“Nag-deploy na ng mga doctor and ‘yung ating doxycycline for leptospirosis ay ibibigay na rin o a-administered sa mga nakaapak sa baha,” saad ni Congresswoman Maan Teodoro, 1st District, Marikina City.
Marikina Mayor Marcy: Dredging activities sa Marikina River, malaking bagay
Malaking bagay ang ginagawang dredging activities ng Marikina LGU sa Marikina River dahil ayon sa Marikina LGU kung hindi ito ginawa ay posibleng nitong Lunes o Martes ay lubog na ang buong Marikina City na maihahalintulad noong Bagyong Ondoy.
“Ibig sabihin, buong bahay na ang lubog kung ganito pa na nagtuluy-tuloy lumakas ay maaaring parang Ondoy na ang nangyari. Pero, sana tumigil na, it’s an act of nature at talagang magiging handa ka pero mangyayari at mangyayari ito. Kaya, ang resiliency, ako naniniwala na nasa pagtutulungan talaga,” ayon pa kay Mayor Marcy.
Batay sa datos ng Marikina LGU, aabot sa higit 20 evacuation centers ang bukas para sa lahat ng mga residente na lilikas.