IKINUMPARA ng isang eksperto ang oil spill sa Mindoro na naganap noong nakaraang taon mula sa nangyayaring pagtagas ng langis ngayon sa Bataan.
Nabatid na ang Motor Tanker (MT) Terra Nova ay may lulang 1.4-M litro ng industrial fuel oil nang lumubog sa Limay, Bataan kamakailan.
Ayon kay Dr. Hernando Bacosa, Professor mula sa MSU-Iligan at DOST Lead Expert on Oil Spill, mas malalim ang oil spill sa Mindoro kumpara sa Bataan.
Aniya, 400 meters ang lalim ng pagtagas ng langis sa Mindoro kaya mahirap itong i-seal, mahirap kontrolin at higupin.
Kumpara aniya sa Bataan oil spill na nasa 30 meters lamang kaya mayroong kapasidad na marating ito ng diver at makita kung ano ang nandoon at ma-seal ito.
‘‘Kapag nagkaroon ng spill, kakalat iyan, depende sa lalim. 30 meters narating yata ng mga divers, na-seal, naselyuhan iyong leak. Ewan ko kung magsisimula po iyong siphoning, iyong pagsipsip ng mga langis para matanggal at parang papalutangin yata ulit ang barko,’’ ayon kay Hernando Bacosa Professor, MSU-Iligan, DOST Lead Expert on Oil Spill.
Ibinahagi ng eksperto na mas marami ang laman ng tangke sa lumubog na barko sa Bataan na nasa 1.4-M liters na langis, kaysa sa Mindoro na may kargang 900,000 liters lamang.
Pero dito sa nangyari sa Bataan, bagama’t makikita aniya sa mga ulat na dumating na ang oil residue sa baybayin ng Cavite at ilang karatig lalawigan, ani Bacosa, ito ay ‘very minor’ o kakaunti lang.
Ito ay kung ikumpara sa Mindoro na talagang lumabas lahat ang 900,000 liters.
‘‘So, hindi po lumabas lahat iyong 1.5-M liters na iyon, I think mga less than…Siguro, mga less than 100 thousand, hindi pa natin alam eh, iyong mga nag-leak pero kakaunti lang po, very minimal,’’ dagdag pa ni Dr. Bacosa.
Eksperto, may babala sakaling lumabas lahat ng 1.4-M litrong langis sa karagatan
Pero kahit masasabing ‘under control’ ang Bataan oil spill, sinabi ni Bacosa na hangga’t hindi natatanggal ang langis doon sa barko, ay meron pa rin itong dalang banta sa lipunan.
Aniya, napakalaking impact nito sa kalikasan, ekonomiya, maging sa kabuhayan at kalusugan ng mga mamamayan.
‘‘Dapat matanggal, ma-siphon lahat ng mga langis. Kung ang 1.5 liters na iyan lumabas lahat, 1.5-M liters na iyan ay lumabas sa ating karagatan. Iyan po ay nasa Tier Three, iyong pinakamataas na oil spill response ng Pilipinas. Unang-una, kapag lumabas ang oil ay siyempre mababalot iyong ating mga karagatan, puwedeng patayin niya iyong phytoplankton; iyong phytoplankton ay ang pagkain ng mga plankton, pagkain ng hipon, pagkain ng isda!’’ ayon kay Dr. Bacosa.
Bukod rito, posibleng magkakaroon din ng fishing ban.
Kaya magiging resulta nito, mawawalan ng kabuhayan ang mga mangingisda, walang pagkain, walang kita at maaapektuhan pati mga tindera.
At kapag lumabas ang 1.4-M liters ng langis, ani Bacosa, maituturing itong pinakamalaking oil spill sa bansa.
Kaya, umaasa siyang hindi ito mangyayari.
‘‘Pero po ngayon, sa ngayong kalagayan, I’m confident naman it’s under control but still may threat at hopefully in the next seven to ten days ay ma-siphon na o mahigop na iyong langis na nandodoon,’’ ani Bacosa.