PARA kay fire volunteer na si Triad, parating nasa peligro ang kanilang buhay tuwing panahon ng sakuna at sunog.
Hindi aniya nila ito alintana dahil nais lamang ng kanilang hanay ang tumulong.
At kahit walang bayad ang serbisyo bilang volunteers, mananatili aniya silang on-call sa panahon ng emergency.
Pero kung may request man anila sila sa pamahalaan, sana anila ay magkaroon ng insurance system para sa kanila.
“Kahit insurance siguro no or anything na mabigyan din kami ng proteksyon para tumaas din ang morale namin sa pagtulong,” wika ni Triad Tuballa, Fire Volunteer, New Longos Fire Brigade.
Ganito rin ang nakikita ni Walter, mahigit sa 20 taon nang fire volunteer sa Malabon.
Aniya, marami sa kaniyang kasamahan ang nasugatan at binawian ng buhay sa gitna ng rescue operations..
“Totoo lang, malaking bagay para sa amin na matugunan ang aming pangangailangan lalo na sa insurances,” wika ni Triad Tuballa, Fire Volunteer, New Longos Fire Brigade.
Bukod sa insurance, panawagan din ng fire volunteers ang libreng training para mapag-ibayo ang kanilang rescue and emergency skills.
Nataon naman na may tatakbong party-list group para katawanin ang mahigit 800,000 fire volunteers sa buong Pilipinas.
Ayon sa Ang Bumbero ng Pilipinas Party-list, isa ang insurance program para sa fire volunteers sa kanilang isusulong sa susunod na Kongreso.
“Recently merong namatayan na volunteer natin during sa pagresponde niya ng sunog dito sa Metro Manila and walang nakaakibat na provident fund ang ating gobyerno para sa ating volunteers. It is a very risky task no ‘yung maging boluntaryo ka sa sunog at kalamidad,” pahayag ni Astra Pimentel-Naik, Executive Director, PDP-Laban.
Bukod sa insurance program, isusulong din ng ABP Party-list ang budget allocation for scholarships and discounts sa immediate na pamilya ng fire volunteers.
“Tayo ay nagpupursige na matulungan natin ang lahat ng mga lokal na pamahalaan—hindi lamang ng fire trucks kundi ng mga ambulance,” dagdag ni Naik.
Diin pa ni Pimentel-Naik na dating Usec. ng Department of Energy, walang batas na nagbibigay proteksiyon sa fire volunteers.
Hindi rin sila sakop ng anumang regulatory body ng pamahalaan.
Pero, supervised naman ng Bureau of Fire Protection ang kanilang training.
“Nakita natin kung gaano ka rami ng mga pangangailangan nila sa pag-volunteer nila no, and alam natin na volunteer walang hinihintay na tulong ito. Pero it is the task of the government also to ensure that their welfares are protected,” aniya pa.
“That is a good idea, kasi sa 30 years ko in service marami akong nakitang volunteers na nagka-problema din despite sa kanilang volunterism at heroism nagkaroon ng problema, problema talaga. Lalo na ‘yung mga nagkaroon ng injuries,” saad ni FFSupt. Richard Arbutante, BFP Director for Personnel and Records Management.