Presyo ng Noche Buena items, wala masyadong pagbabago ngayong taon

Presyo ng Noche Buena items, wala masyadong pagbabago ngayong taon

HINIHINTAY pa ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) na makumpleto ang kanilang kinakalap na listahan ng Noche Buena products.

Ayon kay Asec. Agaton Uvero, ang Supervising Head ng Fair Trade Group ng DTI, ilalabas nila ang price guide ng Noche Buena items sa kalagitnaan ng Nobyembre.

Aniya, 237 items ang sasakop ng price guide. Mahigit kalahati rito, base sa kanilang nakalap na presyo sa mga manufacturer, ay hindi nagtaas ng presyo kumpara sa nakaraang taon.

“So more than half, hindi nagtaas ng presyo; iyong iba naman ay nagtaas ng less than 5% at kaunti lang iyong nagtaas ng more than 5%. So, asahan natin na itong darating na Pasko, walang masyadong pagbabago sa presyo ng mga bilihing pang-Noche Buena,” wika ni Asec. Agaton Uvero, Supervising Head, Fair Trade Group, DTI.

Nilinaw naman ni Uvero na hindi naglalagay ng suggested retail price (SRP) o price control sa mga produktong ito.

“Ito po ay basehan lamang para ang ating mga consumers pagdating ng Pasko ay marunong pumili at magkumpara ng presyo at kalidad ng mga produktong gusto nilang gamitin para sa Noche Buena,” ayon kay Asec. Agaton Uvero, Supervising Head, Fair Trade Group, DTI.

Pagdating naman sa hiling na price adjustment mula sa mga product manufacturer, inihayag ng opisyal na wala munang pagbibigyan dito.

Ibig sabihin, walang pagtaas sa SRPs ng basic necessities at prime commodities hanggang sa katapusan ng taong ito.

“Iyong mga Noche Buena items, hindi siya considered as basic necessities and prime commodities kaya wala siyang SRPs.”

“Pero iyong basic necessities and prime commodities ay may mga pailan-ilan na tayong napagbigyan nitong mga nakaraang buwan. Pero itong mga darating na buwan, wala muna tayong pagbibigyang adjustments ng SRPs,” ani Uvero.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble