NATIONWIDE ang gagawing field testing ng Commission on Elections (COMELEC) sa darating na Sabado para sa mga nirentahang makinarya ng komisyon na gagamitin sa 2025 elections.
34 na voting precincts ang makikiisa, 30 rito ay mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa habang ang apat naman ay overseas.
Sa Metro Manila, magkakaroon ng field test sa Taguig, Pateros at Manila.
Sa Batanes at Palawan naman ang sa Luzon.
Sa Antique sa Visayas at Davao del Sur sa Mindanao at Tawi-Tawi at ilang Special Geographic Areas sa BARMM.
Pagdating sa ibayong dagat, makikiisa sa field test ang mga presinto sa New York sa Estados Unidos; Japan sa Asia-Pacific; Athens, Greece sa Europe at Abu Dhabi sa UAE.
Ayon kay COMELEC Chairman Atty. George Garcia, ang field test ay paraan ng COMELEC para malaman kung ang makinarya ay maayos na makakapag-transmit ng election results sa iba’t ibang entities gaya ng National Board of Canvassers, sa central server ng COMELEC, mga citizens arm at sa mga major at minor dominant party mula sa lahat ng mga actual locations sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
“Nakatapos na makapagbilang, nakatapos na ng pagboto, nagprint ng election returns sa mga makina na iyon, ang tanong magtra-transmit ba siya ng maayos? Of course, sinusubukan natin ngayon, pina fine tune ang lahat ng machine natin dito. Ang tanong, iyan bang ganyang machine kapag dinala mo na doon sa Palawan Quezon, kapag dinala mo na sa, mayron akong nakita kanina na Antique sa Camtic Antique, pagkatapos mayroon kanina na, meron siyang Bongkawe, Bongawe Tawi Tawi. Kapag ba dinala doon, tra-transmit ‘yong machine ng ganung kaayos gaya ng pinakita niya kanina?” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Sa transmission, gagamit ng DITO at SMART SIM cards ang COMELEC.
Sa mga lugar na walang signal ay gagamit ng STARLINK ang komisyon.
Pagkatapos ng field test, magkakaron naman ng mock election.
“Sa susunod na mga ilang araw o linggo ay saka naman papasok ang mock election na kung saan ang lahat ng presinto na gagamitin natin ay magsisilbi mismo ang mga guro na magsisilbi sa araw ng eleksyon at nandodoon ang mga botante,” ayon pa kay Garcia.
Samantala, mula sa 110,000 na makinaryang nirentahan ng COMELEC sa South Korean firm na Miru Systems, mahigit 85,000 na ang natanggap ng komisyon.
Patuloy ang ginagawang hardware test ng COMELEC sa mga natanggap na nilang Automated Counting Machines para masuri kung ang lahat ng components ay gumagana.
Kapag may isang component na nag-malfunction ay ire-reject ito ng komisyon.
“Isang problema lang for example lang. Kahit yong earphone, rejected na muna, excluded ‘yong buong makina, ‘yong buong kahon. Ganun ka-strikto ang ginagawa natin sa hardware acceptance test.”
“Sa kasakuluyan ang COMELEC ay nakatanggap na ng 85, 944 na automated counting machines. Ito ay 78. 14 percent ng more or less ng kabuuang ng 110, 000 na dapat commitment sa atin ng Miru System. Tayo ay na-inform din na halos natitira sa 110, 000 ay nasa Customs na. So anytime at maide-deliver ang kabuuan ng 110, 000 makina na nirentahan natin sa Miru Systems,” aniya.