Real time result ng halalan sa Mayo, isasapubliko ng COMELEC

Real time result ng halalan sa Mayo, isasapubliko ng COMELEC

TINIYAK ng Commission on Elections (COMELEC) na may access ang publiko sa mga nangyayari sa mismong araw ng halalan partikular na sa bilangan ng boto sa Mayo.

Ito ay matapos na napagkasunduan ng COMELEC ang pagbibigay ng kani-kaniyang server sa PPCRV, NAMFREL, DOMINANT MAJORITY PARTY, DOMINANT MINORITY PARTY, at maging ang media para sa real time result ng bilangan ng boto ngayong Mayo.

Bukod sa limang servers, maglalagay rin ng sariling server sa COMELEC website nito para sa publiko na nais magbantay sa takbo ng botohan.

Ayon kay COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, ang COMELEC mismo ang magbibigay ng servers para maiwasan ang duda sa resulta ng botohan o pag-transmit ng mga boto.

Ibig sabihin aniya, kung ano ang datos na tinatanggap ng COMELEC mula sa mga presinto ay ganoon din ang datos na makukuha ng servers ng iba’t ibang ahensiya.

Layon ng bagong estratehiya ng COMELEC na maiwasan ang dayaan sa mismong araw ng halalan sa Mayo.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter