Energy Task Force Election ng DOE puspusan ang paghahanda para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa Mayo

Energy Task Force Election ng DOE puspusan ang paghahanda para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay ng kuryente sa Mayo

IN-ACTIVATE kamakailan ng Department of Energy (DOE) ang Energy Task Force Election upang mapanatili ang energy resiliency sa panahon ng 2025 midterm elections.

Ayon sa DOE, mahigpit na nakikipag-ugnayan ang task force sa Commission on Elections (COMELEC) at iba pang kaukulang ahensiya na may mahalagang papel sa pangangalaga sa integridad at maayos na pagsasagawa ng halalan. Ginagawa ito sa pamamagitan ng estratehikong paghahanda sa sektor ng enerhiya sa kabuuang electoral process.

Sinabi ni Energy Secretary Raphael Lotilla na nakipagpulong na sila sa COMELEC upang tukuyin ang mga lugar na kailangang magkaroon ng matatag na suplay ng kuryente.

Una nang inatasan ni DOE Undersecretary Felix William Fuentebella ang task force na tiyakin ang isang matatag at maaasahang power at fuel supply sa buong electoral period. Si Fuentebella ang kasalukuyang namumuno sa Task Force on Energy Resiliency.

“Ito naman iyong Task Force on Energy Resiliency, so iyong ating point person diyan si Usec. Wimpy Fuentebella ay mayroon silang preparations na tayo upang mapatindi iyong energy supply especially in the critical areas,” wika ni Raphael Lotilla, Secretary, Department Of Energy.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga plano at hakbang sa paghahanda para sa mga hindi inaasahang pangyayari, kabilang ang mga pagkakagambala na dulot ng sakuna o kalamidad.

“Alam naman natin na by May, this is still part of the summer months, and so nakipag-meeting na sila sa COMELEC to identify the important areas that need to have the constant or stable supply during, before, and after elections,” aniya.

Inihayag din ni Lotilla na maganda ang ginagawang koordinasyon ngayon ng DOE sa COMELEC.

“Mayroon din tayong provisions also for mobile emergency units. And while some of them may not be available soon dahil na-suspend iyong USAID projects, but we hope that in time we will be able to get additional units for that purpose,” dagdag nito.

Kasama sa mga pagsisikap ng ahensiya ang mga komprehensibong inspeksyon sa mga pangunahing pasilidad at canvassing center upang matukoy at matugunan ang mga potensyal na kahinaan.

Para palakasin ang paghahanda, mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang task force sa distribution utilities at electric cooperatives upang matiyak ang mabilis at epektibong pagtugon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble