Halos 700 lamok at kiti-kiti nai-turn over ng mga residente sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong

Halos 700 lamok at kiti-kiti nai-turn over ng mga residente sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong

BINALAAN ng Brgy. Addition Hills sa Mandaluyong ang mga residenteng nagtatangkang magtayo ng breeding farm ng mga lamok para makakuha ng mas malaking pabuya. Iyan ay kasunod ng pagsisimula ng kanilang programang “May Piso sa Mosquito.”

Sa paglunsad ng programang ito, halos 700 lamok at kiti-kiti ang itinurn-over sa barangay ng 21 residente. Ang bawat limang nahuling lamok o kiti-kiti ay may katumbas na P1.00 bilang pabuya, at ang mga ito ay pinapatay sa tinatawag na “death chamber.”

Ang hakbang na ito ay bahagi ng kampanya laban sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa lugar. Batay sa datos, naitala na ang 44 na kaso ng dengue at dalawang bata na ang nasawi.

Brgy. Addition Hills, binalaan ang mga residenteng magtatangkang magtayo ng breeding farm ng lamok

Bago pa man nagsimula ang programa, agad itong nakatanggap ng mga kritisismo. Ilang netizens ang nagpahayag ng pangamba na baka mahikayat ang mga residente na magtayo ng breeding farm ng lamok, na posibleng magdulot ng mas mataas na kaso ng dengue sa barangay.

Ayon kay Brgy. Chairman Carlito Cernal, mahigpit ang kanilang monitoring at hindi nila papayagang magtayo ng breeding farms ng lamok.

“Hindi po ito para magkaroon ng breeding yung ating mga kababayan dahil ito nga po ay pansamantala lang, programa lang ito. Kumbaga, alternatibo lang ito sa mga ginagawa naming clean-up drive,” paliwanag ni Carlito Cernal, Brgy. Chairman, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong.

Dagdag pa niya, ipatatawag nila at pagsasabihan ang sinumang mahuhuling lumalabag. Aniya, hindi nila papayagang samantalahin ang programa para lamang makalamang.

Sa oras na bumaba na ang kaso ng dengue sa lugar, ihihinto na nila ang programa.

Tugon naman ng barangay sa isyung dapat na lang sanang palinisin ang mga residente kaysa gawing mosquito hunters, sinabi ni Cernal na may task force na silang naglilinis sa mga kalsada at eskinita araw-araw.

Bukod pa rito, may mga tauhan din ang barangay na nakatutok sa declogging ng mga baradong daluyan ng tubig. Kada buwan din ay isinasagawa ang programang “Palit Basura Para sa Pagkain sa Mesa,” kung saan maaaring ipagpalit ng mga residente ang kanilang nakolektang basura sa grocery items.

DOH, hinimok ang mga LGU na makipag-ugnayan muna sa kanila para sa mga inisyatiba vs. dengue

Bagama’t nagpapasalamat ang Department of Health (DOH) sa mga lokal na pamahalaan na may mga inisyatiba kontra dengue, hinimok ng ahensya ang mga ito na makipag-ugnayan sa kanila bago ipatupad ang anumang programa.

“Sa gawing tumutulong naman tayo, sana ay makipag-coordinate ang ating mga local chief executives sa Department of Health Regional Offices at sa kanilang mismong local health officers at ng mga doktor na nasa loob ng ating mga LGU para mapag-usapan ang evidence-based interventions na alam nating tumatalab,” ayon kay Asec. Albert Domingo, DOH Spokesperson.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble