Dinukot na estudyante ng British School Manila, hindi totoong nasagip ng PNP; Pinuno ng Anti-Kidnapping Group, sinibak sa pwesto

Dinukot na estudyante ng British School Manila, hindi totoong nasagip ng PNP; Pinuno ng Anti-Kidnapping Group, sinibak sa pwesto

BATAY sa paunang imbestigasyon ng PNP-CIDG, hindi pala nasagip ng mga otoridad ang batang biktima na kinilalang si Zerui Wan, kundi iniwan lamang ito sa Parañaque City.

Kinuwestiyon din kung bakit walang naarestong suspek sa ginawang rescue operation. Lumalabas pa na “staged” o gawa-gawa lamang ang nasabing accomplishment ng Anti-Kidnapping Group operatives.

Pebrero 21 nang magsumbong ang ina ni Zerui Wan sa PNP-AKG na dinukot ang kanyang anak, kasama ang drayber nito, habang sakay ng isang black Toyota Alphard na may plate number NEG 7032 pauwi sa kanilang tahanan mula sa eskwelahan.

Una nang natagpuan ang sasakyan ng biktima sa isang abandonadong lugar sa Brgy. San Roque, San Rafael, Bulacan.

Kinabukasan, Pebrero 22, nang mag-demand ang mga kidnapper ng 20 milyong US dollars mula sa pamilya Wan.

Sa kalagitnaan ng negosasyon, pinutol ng mga suspek ang hinliliit ng biktima at iniwan ito sa Macapagal Avenue, sa kahabaan ng Junction Road patungong Las Piñas-Parañaque Wetland Park bilang patunay ng kanilang pananakot.

Dito na inulat ng PNP-AKG na nailigtas nila ang bata at naibalik sa pamilya nito.

Pero lumalabas ngayon sa imbestigasyon ng PNP-CIDG na hindi aktwal na nasagip ang bata, bagkus iniwan lang ito sa Parañaque City, na naglalagay sa duda sa naging pahayag ng mga operatiba ng Anti-Kidnapping Group.

Sa ngayon, pansamantalang hahalili bilang Officer-in-Charge ng Anti-Kidnapping Group si Police Colonel Paul Albay.

Mananatili sa pwesto si Albay bilang OIC habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa ni-relieve na si AKG Chief PCol. Elmer Ragay kaugnay ng insidente.

Habang patuloy ang imbestigasyon, nananatiling malaking katanungan kung paano at bakit naidokumento bilang ‘rescue’ ang kaso ng dinukot na estudyante.

Sa pagkakasibak sa pinuno ng PNP Anti-Kidnapping Group, inaasahang magkakaroon ng masusing pagbusisi sa naging operasyon at pananagutan ng mga sangkot.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble